2,611 total views
Inilunsad ng BAN Toxics ang kampanya upang isulong ang karapatan ng mga bata para sa pagkakaroon ng ligtas at malusog na kapaligiran.
Ito ay ang Children’s Rights for a Safe and Healthy Environment campaign katuwang ang Dr. Yanga Colleges, Inc. at Diyosesis ng Malolos.
Nagtipon-tipon ang mga mag-aaral, magulang at mga guro ng DYCI at mga karatig na paaralan, kasama ang Malolos Diocesan Environmental and Ecological Program (DEEP) para sa taunang gawain upang isulong ang ligtas at malusog na kapaligiran kasabay ng pagdiriwang sa National Children’s Month at National Environmental Week.
Ayon kay BAN Toxics executive director Reynaldo San Juan, Jr., suportado ng grupo ang pandaigdigang pagkilos para sa karapatan ng mga bata at kamalayang pangkalikasan sa bawat paaralan, tahanan, at pamayanan.
“We need to promote and nurture a safe and healthy environment for every child because it is a basic human right,” pahayag ni San Juan.
Sinabi pa ni San Juan na ang bawat bata ay may karapatan para sa pagkakaroon ng maayos at ligtas na kalusugan.
Panawagan naman ng BAN Toxics sa pamahalaan ang pagtuunan ang pagkakaroon ng mahusay na health care system, malinis na tubig at kapaligiran, masustansiyang pagkain, at wastong edukasyon hinggil sa kalusugan para sa kapakanan ng mga bata.
“Providing them with a safe and healthy environment for their future is their right and our shared responsibility,” saad ni San Juan.
Batay sa Children’s Climate Risk Index Report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong August 2021, naitala ang Pilipinas bilang pang-31 sa mga bansang lantad ang mga bata sa mga epekto ng climate change.
Halos isang bilyong bata sa buong mundo ang nakatira sa mga extremely high-risk na mga bansa, kung saan isa sa bawat tatlong bata ang lantad sa banta ng pagbaha, bagyo, mga sakit, polusyon dulot ng lead, matinding tag-init, kawalan ng tubig, at polusyon sa hangin.