6,055 total views
Hinimok ng opisyal ng Pontificio Collegio Filippino (PCF) ang mananampalatayang Filipino na ipanalangin ang dating arsobispo ng Maynila na pinagkatiwalaan ng Santo Papa Francisco sa iba’t ibang gawain at tanggapan sa Vatican.
Ito ayon kay PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston makaraang muling atasan ng Santo Papa si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle President-Emeritus ng Caritas International na maging katuwang ng pansamantalang tagapangasiwa ng international humanitarian aid ng Vatican.
“Kaya talagang ipagdasal natin si Cardinal Tagle kasi napakarami ng kanyang assignments sa iba’t ibang offices ng Vatican. Pati na rin sa iba’t-ibang mga grupo ng simbahan, governments, private organizations at individuals sa buong mundo, marami rin ang gustong makipag-usap at mag-consult kay Cardinal Tagle.” pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Nilinaw naman ni Fr. Gaston na hindi tinanggal sa tungkulin si Cardinal Tagle, bagkus ay nataon ang pagpapanibago at muling paglulunsad ng Caritas sa pagtatapos ng termino ng cardinal na nagsimulang manilbihan sa Caritas Internationalis noong 2015.
“Mukhang naparami pa ang trabaho ni Cardinal [Luis Antonio] Tagle; bilang President noon ng Caritas International, may full time staff siya sa Vatican. Ito ay mula pa noong Arzobispo siya ng Manila hanggang ginawang head ng isa sa pinakamalaking department ng Vatican.” ani Fr. Gaston.
Ipinaliwanag ni PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston na mas palalawakin ng cardinal ang paglilingkod sa social arm ng simbahang katolika sapagkat hindi na ito nakatuon sa central office sa Vatican.
Sa decree ni Pope Francis bukod sa pagtulong kay Dr. Pier Franceso Pinello na itinalagang administrator ng Caritas Internationalis inatasan ng santo papa si Cardinal Tagle na makipag-ugnayan sa bawat social arm ng mga diyosesis sa buong mundo.
November 22 nang magtalaga ng temporary administrator si Pope Francis sa organisasyon bilang paghahanda na rin sa nakatakdang eleksyon sa susunod na taon kasabay ng General Assembly ng Caritas Internationalis.
Una nang nilinaw ng Dicastery for Promoting Integral Human Development na walang kinalaman sa korapsyon at pang-abusong sekswal ang hakbang ni Pope Francis ngunit pagsasaayos sa Caritas Internationalis upang mas mapabuti ang pagpapatupad ng mga programa lalo na sa mga higit nangangailangan sa lipunan.