260 total views
Hinimok ng Caritas Manila ang mga mananampalataya na ipadama ang diwa ng Kapaskuhan sa pagbibigay ng kanilang kagamitan na maaari pang ibenta sa mga Segunda Mana charity outlets.
Ayon kay Caritas Manila executive director, Rev. Fr. Anton CT Pascual, tamang – tama ang pagkakataon ngayong Kapaskuhan na ibigay sa Segunda Mana ng marami sa atin ang nasinop na kagamitan.
Sinabi pa ni Fr. Pascual na maraming pamamaraan para ipadama ang pag – ibig ng Diyos ngayong Pasko lalo na sa pagsuporta sa mga programa ng Caritas Manila na YSLEP o Youth Servant Leadership and Education Program na tumutugon sa pangangailangan ng halos limang libong scholars nito sa buong bansa.
“Ngayon nga tamang – tama pa – Pasko na maraming maglilinis ng bahay kaya’t sa paglilinis ng ating bahay, paghahanda sa Pasko. Pwedeng i – donate, itawag natin sa Caritas at i – abuloy natin ang ating mga lumang damit, pero maayos pa, mga kasangkapan, equipment, appliances, libro, mga cabinet, computer na maari pang pakinabangan ng ating mga kababayang mahihirap. At itawag lang natin at tunay kayong pagpalain ng Diyos yung mga nagbibigay sabi nga sa Lucas 6: ‘magbigay ka at ika’y bibigyan, hustong takal, siksik, liglig, umaapaw,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Veritas Patrol.
Kamakailan, muling binuksan ang bago at pinagandang charity outlet ng Segunda Mana sa Starmall, EDSA, Mandaluyong City, ang ika – 27 kiosk nito sa buong Metro Manila at karatig lalawigan.
Maliban sa mga scholars, natutulungan rin ng Segunda Mana ang halos 1,000 urban poor families sa Tondo, Manila sa kanilang ukay – ukay.