1,529 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang suporta para sa muling pagbubukas ng Commission on Election (COMELEC) ng voters registration sa susunod na linggo.
Tiniyak ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano sa COMELEC ang pakikiisa sa pagsusulong ng kampanya para sa voters registration na magsisimula sa ika-9 ng Disyembre, 2022 hanggang sa ika-31 ng Enero 2023.
“Ang PPCRV ay nakikiisa sa pagbubukas muli ng voters registration campaign natin na magsisimula na specifically starting on December 9, 2022 hanggang January 31, 2023.” Ang bahagi ng pahayag ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano sa Radio Veritas.
Pangungunahan din ng PPCRV ang pagpapalaganap ng impormasyon at pagkumbinsi sa mga hindi pa rehistradong botante na samantalahin ang voters registration ng COMELEC.
Pinuri rin ni Serrano ang iniyatibo ng COMELEC na higit na mahikayat ang mamamayan na magparehistro sa pamamagitan ng Registration Anywhere Project upang mapadali at mailapit ang proseso ng pagpaparehistro.
Sa pamamagitan ng Registration Anywhere Project ng COMELEC ay maaring magpatala ang mga hindi pa rehistradong botante sa limang NCR malls ng Robinsons maging araw ng Sabado at Linggo mula ika-10 ng Disyembre, 2022 hanggang ika-29 ng Enero, 2023 maliban na lamang sa mga araw na tatamaan ng December 24 at 25 gayundin ang December 31 to January 1.
Sa muling pagbubukas ng voters registration ay inaasahan ng COMELEC na aabot sa 5-milyon ang mga bagong botante na makapagpapatala.
Bagamat tutol ang iba’t ibang sektor ng lipunan maging ang Simbahan sa pangunguna ng Caritas Philippines sa muling pagsuspendi sa halalang pambarangay ay naniniwala naman ang Simbahan na mahalaga ang aktibong pakikisangkot ng bawat mamamayan sa kabuuang proseso ng halalan.