404 total views
Mga Kapanalig, Disyembre na at unti-unti na ng nating nararamdaman ang tinatawag na Christmas rush o ang panahon kung kailan busy ang mga tao habang papalapit ang Pasko. Kaya naman, mabigat na rin ang daloy ng trapiko, lalo na sa mga pamilihan, malls, at pasyalan. Sa pagpasok ng panahon ng Kapaskuhan, mas ramdam ng mga walang pribadong sasakyan at umaasa sa pampublikong transportasyon ang hirap ng pagbibiyahe. Ngunit kung tutuusin, noon pa ma’y sadyang napakahirap na ng sitwasyon ng mga komyuter sa ating bansa, lalo na sa Metro Manila.
Kamakailan, naglabas ng pag-aaral ang Oliver Wyman Forum at Berkeley University tungkol sa urban mobility readiness o kahandaan ng sistemang pantransportasyon sa mga siyudad. Sinuri sa pag-aaral, na pinamagatang Urban Mobility Readiness Index 2022, ang kalidad ng mga pampublikong sasakyan at iba pang bagay katulad ng haba o ikli ng biyahe, halaga ng pamasahe, at tagal ng paghihintay upang makasakay. Lumabas na kulelat ang Metro Manila sa buong mundo pagdating sa urban mobility at public transportation.
Sa 60 siyudad na kasama sa pag-aaral, pang-58 ang Metro Manila sa usapin ng urban mobility. Hindi rin nalalayo ang Metro Manila na nasa pang-56 sa mga siyudad na may pinakamalubhang pampublikong transportasyon. Kinikilala ng pag-aaral na bagamat may iba’t ibang pamamaraan ng transportasyon sa Metro Manila, marami pang maaaring gawin upang pagbutihin ang mga ito. Maaari pa raw sanang mapabilis ang biyahe, gawing abot-kaya ang pamasahe, at maiwasan ang siksikan sa mga pampublikong transportasyon.
Talaga namang sari-sari ang problemang kinahaharap ng maraming kababayan natin sa pampublikong transportasyon. Nitong pandemya, mas lalong naramdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang hirap ng halos araw-araw na tila ba pakikibaka tuwing nagkokomyut dahil sa kakulangan ng mga bumibiyaheng pampasaherong sasakyan at ang hindi maiwasang pagsisiksikan at balyahan. Nariyan din ang mahabang oras ng paghihintay ng masasakyan, ang tila walang katapusang pila sa mga terminal ng jeep, bus, o tren, pati na ang mabigat na trapikong kailangan bunuin upang makauwi. ‘Ika nga ng marami, imbis na ipahinga, nasasayang ang mahabang oras ng maraming Pilipino sa kalsada.
Matagal na nating problema ang hirap sa pagkokomyut at ang sala-salabat na problema sa pampublikong transportasyon. Ngunit bakit nga ba tila hindi ito natutugunan ng ating pamahalaan? Dahil ba hindi gumagamit ng pampublikong transportasyon ang ating mga lider? Dahil ba hindi nila nararanasan ang araw-araw na kalbaryo ng mga komyuter?
Ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan, responsibilidad ng Estado ang pagkamit ng common good o kabutihang panlahat, sapagkat ito ang dahilan kung bakit may kapangyarihan ang gobyerno. Hindi makakamit ng isang indibidwal ang pag-unlad niya sa pamamagitan ng kanyang sarili lamang, kaya dito pumapasok ang papel ng Estado at ng mga institusyon nito na tiyaking napakikinabangan ng publiko ang mga serbisyong panlipunan. Sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng Estado, nagagawa dapat ng pamahalaang magpatupad ng mga patakaran at maglaan ng sapat na badyet upang paunlarin ang pampublikong transportasyon. Gaya nga ng wika sa Lucas 12:48, “ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”
Mga Kapanalig, hindi na sapat ang mga pansamantalang solusyon upang lutasin ang mga problema sa transportasyon. Hindi rin uubra ang mungkahi ng isang opisyal na umalis sa bahay nang mas maaga upang hindi mahuli sa trabaho o sa eskwelahan. Sa pagbabalik ng face-to-face na klase at trabaho, handa na nga ba ang kasalukuyang sistema ng pampublikong transportasyon mayroon ang Metro Manila? Kailan kaya giginhawa ang pagbibiyahe ng mga komyuter? Panahon na upang bigyang-pansin ng mga kinauukulan ang pagkakaroon ng pangmatagalang solusyon upang magkakaroon tayo ng ligtas, mahusay, at abot-kayang pampublikong transportasyon.