1,373 total views
Nagtulungan ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Commission on Human Rights (CHR) sa paglulunsad ng “MaraliTalipapa Tiangge” sa paggunita ng Urban Poor Solidarity Week tuwing ika-3 hanggang ika-7 ng Disyembre.
Ayon kay Eufemia Doringo – Secretary General ng KADAMAY, tampok sa Maralitalipapa ang mga 14-tindahan ng ibat-ibang maralitang komunidad.
Ipinapakita sa proyekto ang kanilang kakakayahan na makalikha ng ibat-ibang produkto o serbisyo upang magkaroon ng kabuhayan.
“Mismong mga taga-community po itong gumawa ng pang hanap buhay nila, para matustusan yung pang araw-araw na gastusin dahil kulang na kulang nga po ang kinikita nila at marami sa mga miyembro ng KADAMAY ay hindi naman po mga regular workers, mga informal workers, marami po sa amin ay mga vendors na marangal yung trabaho nila,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Doringo.
Ang pagdaraos din ng MaraliTalipapa ay panawagan ng KADAMAY sa pamahalaan na iwaksi ang pagtataboy, pagkumpiska sa mga kagamitan at paninda ng mga street vendors.
Pangako rin ng KADAMAY ang padaraos pa ng ibat-ibang proyektong nagpapakain, nagtuturong magtanim at nagbibigay ng kabuhayan sa mga kapwa nila mahihirap sa lipunan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaisa ng 250-libong miyembro ng KADAMAY sa buong Pilipinas katuwang ang iba pang mga grupo, institusyon at sangay ng Simbahan.