45,317 total views
Hinikayat ng bagong pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na si Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang lahat ng kawani ng PhilHealth na magtulungan at magkaisa para maisakatuparan ang layunin ng National Health Insurance Program.
“We’re in the same team (kaya) magtulungan tayo, let’s all work together and move forward together,” pahayag ni Ledesma sa kanyang maikling mensahe nito lamang Lunes sa nationwide virtual flag ceremony ng ahensya. Hinikayat din niya ang mga empleyado na magtrabaho bilang pagsuporta sa mga ospital at duktor na pawang partners ng PhilHealth para sa mga pasyente.
Dagdag pa ni Ledesma, ang tunay na kalaban ng lahat ay ang iba’t-ibang sakit at kondisyong pangkalusugan ng mga pasyenteng Filipino na nangangailangan ng suportang pinansyal para sa gastusin sa pagpapagamot.
Si Ledesma ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang Acting President and Chief Executive Officer ng PhilHealth at miyembro ng Board of Directors bilang Expert Panel. Siya ay nanumpa sa harap ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa isang simpleng seremonya sa Malacañang Palace noong Nobyembre 24, 2022.
Siya ay nagtapos ng Bachelor of Science major in Economics, na nakatuon sa Management sa University of the Philippines. Mayroon din siyang Master’s Degree sa Business Administration, major in Finance, Management and Strategy, mula sa J.L. Kellogg Graduate School of Management – Northwestern University sa Evanston, Illinois.
Dati siyang naging Pangulo at Punong-tagapagpatupad ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation sa loob ng limang taon. Tulad din ng PhilHealth, ang PSALM Corporation, ay isang government–owned and controlled corporation.
Si Ledesma ay dalubhasa sa banking at corporate finance, at may malawak na karanasan sa local at international banks, gaya ng Philippine Commercial International Bank, Royal Bank of Canada, at PCI Capital Corporation. Siya rin ay nagsilbi bilang Direktor/Bise Presidente ng Morgan Stanley and Co., Inc., Private Wealth Management Group, sa loob ng 12 taon. Siya ay kilala rin sa larangan ng power at energy consultancy.