586 total views
Homiliya para sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento Taon A, Ika-4 ng Disyembre 2022, Mat 3:1-12
Nakakita na ba kayo ng isang punongkahoy na pinutol na at ibinagsak, sinibak at sinunog, pero pagkatapos ng ilang araw, matapos na maulanan, may lumalabas na naman na bagong usbong mula sa tuod? Ganito ang paglalarawan na ginagamit ng ating unang pagbasa mula kay propeta Isaias para sa hinihintay na Mesiyas mula sa pamilya ni David na anak ni Jesse. Larawan ng pag-asang sumisibol sa gitna ng isang sitwasyon ng pagkatalo at pagkabigo, bagong buhay sa gitna ng kamatayan, bagong simula pagkatapos ng inakalang katapusan.
Sa ikalawang pagbasa, hindi nagpapaligoy pa si San Pablo. Tinutumbok na kaagad niya kung sino ang usbong na ito na sa pamamagitan daw ng Salita ng Diyos ay “magpapanatili at maghahatid ng lakas ng loob” sa gitna ng kawalan ng pag-asa: ang Panginoong Jesukristo.
Pero sa ating ebanghelyo, dalawang pinuno ang ipinakikilala ni San Mateo: si Juan Bautista at si Jesus. Kaya nalito ang mga tao, lalo na ang mga pamilyar sa Orakulo ng Propeta. Ang hinulaan ni Isaias na usbong na sisibol mula sa puno ni Jesse, ito na ba si Juan Bautista? Sa kanya kasi parang nabanaagan na ang kakaibang klase ng pamumuno na ihahatid daw ng Mesiyas ayon kay Isaias: may taglay daw na karunungan at pag-unawa, paggabay at lakas, kaalaman at pamimitagan sa Diyos, pagkatakot sa Diyos na magbibigay-galak. Sa madaling salita, puspos ng Espiritu Santo. Naramdaman nila ito kay Juan Bautista.
Galing sa pamilyang pari si Juan Bautista. Anak siya ni Zacarias na pari ng templo, gayundin ni Elisabet na nagmula raw sa angkan ng paring si Aaron. Kaya sigurado ako na nagsanay nang mabuti si Juan sa Jerusalem, lalo na sa Banal na Kasulatan para maghanda sa pagiging pari ng templo. Pero imbes na sumunod siya sa yapak ng tatay niya, naging arang ermitanyo siya sa disyerto. Nabuhay sa katahimikan upang magsanay sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Hindi pala pagpapari kundi pagpopropeta ang bokason at misyon niya. Pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Paano nga naman niya ipahahayag ang Salita kung di muna niya ito pakinggan nang mabuti? Tagapagpapakilala raw siya ng Hinirang ng Diyos. Paano nga naman niya ipakikilala kung hindi muna niya ito nakilalang mabuti?
Akala siguro ng iba nasiraan na ng bait si Juan Bautista nang mamundok. Kasi, tinalikuran niya ang karangyaan ng kanyang pamilya. At nang magpakilala siya sa Israel, lalo na sa mga naghahanap ng Mesiyas, ang pakilala niya sa sarili niya ay TINIG NA SUMISIGAW SA DISYERTO. Tinig ng Diyos na sa disyerto maririnig. Parang kabalintunaan, di ba? Sino ang makikinig sa kanya doon sa disyerto? Wala namang tao sa disyerto. Noong una, wala. Pero nagsidatingan sila. Marami ang nagsiparoon at nakinig sa kanya. Gusto nilang marinig ang tinig na naririnig niya sa katahimikan, na matagal nang hindi naririnig ng Israel.
Ganyan din naman sa atin ngayon, di ba? Sa gitna ng gulo at ingay ng buhay, di ba kung minsan naghahanap din tayo ng mga ilang na lugar, mga disyerto sa siyudad, mga lugar na tahimik, kung saan puwede mong marinig pati hininga mo, pati tibok ng puso? Pwedeng matagpuan ito sa simbahan, pwedeng sa bundok, pwedeng sa may dalampasigan. Sa totoo lang pwede naman kahit saan basta handang tumahimik ang tao para makinig sa Diyos. Kailangan talagang tumahimik para marinig ang Salita ng Diyos. Paano natin maipahahayag ang Salita kung di muna natin ito pinakinggang mabuti?
Sabi ni San Pablo, dalawang bagay ang hatid ng Salita ng Diyos: pananatili at lakas ng loob. Ang kabaligtaran ng pananatili ay pagkabulok. Ito ang babala ni Juan Bautista sa mga nagtutungo sa kanya sa disyerto para magpabinyag. Nilinaw niya na walang hinaharap ang taong nasanay na sa katiwalian at kasalanan kundi pagkabulok.
Sabi ni San Pablo, “sa pamamagitan ng PANANATILI at LAKAS-NG-LOOB na dulot ng Kasulatan, tayo ay magkaroon ng pag-asa.”
Tinutukoy niya ang mga Hentil na kahit hindi Hudyo ay nagsilapit sa sinagoga para mapakinggan ang Salita ng Diyos. Para silang mga langgam na naakit sa amoy ng asukal. Mabuti pa ang malayo lumalapit, pero kung sino pa ang malapit sila ang lumalayo ang loob sa Diyos, kung sino pa ang nasa loob na ng sinagoga.
Huwag nating hayaang mabulok ang ating mga buhay. Ito ang babala ni Juan Bautista. Kailangangang talikuran ang lahat ng nagdudulot ng pagkakabulok ng pag-iisip at pag-uugali. Ang hamon ni Juan ay pagbabago-ng-kalooban, pananatili-sa-Salita-ng-Diyos. Ito ang hamon niya sa mga Pariseo at Saduseo nagpapabinyag din sa kanya, kung ibig daw nilang manariwa ang buhay nila, umusbong at magbunga. Hindi uusbong o magbubunga ang mga buhay na pinabubulok ng pagkakasala.
Tagapaghanda ng daan. Ito ang pakilala ni Juan sa sarili niya. Hindi sarili ang itinatawag-pansin kundi ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos, ang usbong sa tuod. Siya lang ang maaaring pagmulan ng lakas ng loob at pag-asang hatid ng Espiritung kaloob niya.
Kahapon sa ebanghelyong binasa sa pista ni St. Francis Xavier, ang ganda ng paglalarawan na bigay ni San Mateo sa mga taong lumalapit kay Jesus. Mga taong “nalilito at nanlulupaypay”, parang “mga tupang walang pastol”. Di ba ganyan din ang pinagdaanan ng marami sa atin mula nang magsimula ang pandemya? Maraming nalilito at nanlulupaypay, parang nasisiraan ng loob, nawawalan ng direksyon sa buhay.
Ang pagbibinyag na ginagawa ko ay paglilinis ng loob para maging handa ang tao na tumanggap sa lakas at kapangyarihan na hindi sa akin manggagaling. Ito ang paliwanag ni Juan. Hindi ako, kundi ang hinirang ng Diyos ang magbibigay nito sa inyo. Hindi ako kundi siya ang usbong mula sa tuod. Siya lang ang makapagbubuo sa mga pusong wasak. Siya lang ang makapagpapalakas sa mga kaloobang nanghihina.
May isa pang panulat si San Pablo sa mga taga-Filipos tungkol sa mga naghahangad ng LAKAS NG LOOB. Sabi niya, “Kung ibig ninyong magkaroon ng lakas ng loob na nagmumula kay Kristo, lubusin ninyo ang aking kagalakan sa pamamagitan ng pakikitulad kay Kristo, sa pakikiwangis sa kanyang puso, sa pagsusumikap na magmahal, mag-isip at mag-ugaling katulad niya, na nagpakumbaba at nagbuhos nang lubos sa buong pagkatao niya hanggang kamatayan.”
Nakakatawa na may mga bansa na bawal na daw na magsabi ng Merry Christmas pag nagdiwang ng Pasko. Happy Holidays na lang daw. Pwede kayang magkaroon ng Krismas kung walang Kristo? Pwede. Parang regalong kahon na nakabalot at may ribbon pa pero walang laman. Parang mga ilaw na kumukuti-kutitap pero walang dulot na totoong liwanag. Parang katawan na walang kaluluwa. Parang taong naglalakbay pero walang patutunguhan. Kaya nga may Adbiyento muna bago Pasko, upang ang dumating sa buhay natin ay hindi dilim kundi liwanag, hindi trahedya kundi pag-asa.