1,580 total views
Mahalagang alalahanin at tugunan ang espiritwal na pangangailangan ng mga uniformed personnel.
Ito ang mensahe ni Rev Fr. (S/INSP) Raymond Tapia ng Bureau of Fire Protection Chaplain Service sa Advent Recollection 2022 ng BFP na pinangunahan ni healing priest Father Joey Faller.
“Kaya sa mga ganitong activities, like this recollection ay nabibigyan kami ng pagkakataon na magkaroon ng spiritual nourishment kaya nga po kami nag-iimbita ng iba ibang mga pari, ibang mga madre para ma-enhance, para lalong lumago ang aming buhay espiritwalidad, pati ang aming pananampalataya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Tapia.
Mensahe naman ng pari sa mga iba pang lingkod ng simbahan ang naway malugod na pagtanggap sa mga imbitasyong ipapadala ng BFP sa hinaharap.
Ito ay upang maging kabilang sa mga hakbang ng BFP Chaplain Service sa pagpapalago ng pananampalataya ng mga uniformed personnel ng pamahalaan.
“Ako as their chaplain, yung parish priest nila dito kaya kapag kami po ay nag-aapproach ng pwedeng maging recollection masters namin, sana po ay kami i-accomodate niyo rin, katulad ng nakita niyo na kaming bumubuo ng Bureau of Fire, kami’y bahagi ng naglalakbay na simbahan, kami din ay kumbaga humihingi din ng panalangin at kami din ay nangangailangan ng spiritual nourishment,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Father Tapia.
Ang pagdaraos ng Advent Recollection ay isinagawa sa BFP National Headquarters sa Bagong Pag-asa Quezon City kung saan nagkaroon din ng Zoom Conference at facebook live ang pagtitipon upang makadalo ang mga uniformed personnel at iba pang kawani ng BFP na nasa ibat-ibang bahagi ng bansa.