1,418 total views
Ipinapanalangin ni Daet, Camarines Norte Bishop Rex Andrew Alarcon ang kaligtasan ng lahat mula sa naganap na 5.3 magnitude earthquake kaninang ala-1:05 ng hapon.
Dalangin ni Bishop Alarcon na pagkalooban nawa ng Panginoon ang bawat isa ng katatagan ng loob upang harapin ang anumang hamon ng buhay at tulungan ang mga higit na nangangailangan.
“May the Lord grant us strength in the face of trials, calamities, and tragedies. May we be resilient so as to bounce back and recover. Most of all may we always have the charity to help those in need. May we not lose trust in Him who cares for the most vulnerable. For He is with us and shares our situation,” panalangin ni Bishop Alarcon mula sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang epicenter ng lindol 19 kilometro hilagang silangang bahagi ng Tinaga Island, Camarines Norte kung saan tectonic ang pinagmulan at may lalim na isang kilometro.
Naramdaman ang Intensity V sa Mercedes, Jose Panganiban, Camarines Norte, Intensity II sa Quezon City, habang Intensity III sa Maynila at Pasay City.
Patuloy namang tinutukoy ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung mayroong naitalang nasaktan o napinsala kasunod ng paglindol.
Pinaalalahanan naman ng PHIVOLCS ang publiko na patuloy na maging mapagmatyag at mag-ingat sa posibleng epekto ng aftershocks.