1,191 total views
Umaasa ang pamunuan ng Immaculate Conception Parish sa Gatchalian Manuyo Dos Las Piñas City na tularan ng mananampalataya ang mga halimbawa ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon sa kura paroko na si Fr. Christopher Tejido, malaking tungkulin ang ginampanan ng Mahal na Birhen sa katubusan ng sangkatauhan mula pa noong ipinaglihi ni Santa Ana.
Hangad ni Fr. Tenido na bilang kristiyano ay isabuhay ang pagiging masunurin sa kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng paglingap sa kapwa.
“Ang hamon palagi na nawa’y magsilbing huwaran [si Maria] sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos, sa ating pagpapahayag ng pagmamahal sa pagtulong, pagmamalasakit natin sa ating kapwa at yung kabukasang palad na tumulong at ipadama kung anumang biyaya na mayroon tayo ay ibahagi ito sa ating kapwa.” pahayag ni Fr. Tenido sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng pari ang walang pag-alinlangang pagtugon ni Maria sa tawag ng Panginoon na ipaglihi si Hesus upang maisakatuparan ang pagtubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan.
Tinuran din ng pari ang makainang pagkalinga ni Maria sa sanlibutan na sa kabilang pagiging makasalanan ng tao ay nanatili itong gumagabay tungo sa landas ni Hesukristo.
“Huwaran natin siya bilang mga mananampalataya…ang Mahal na Ina palagi ang kangyang hangarin ay ilapit tayo sa Panginoong Hesukristo.” ani ng pari.
Ikinagalak ng pari ang pakikiisa ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa misa nobenaryo ng parokya lalo’t ipinagdiriwang nito ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag kung saan pinagkalooban ni Pope Francis ng plenary indulgence ang mananampalatayang dumalaw sa simbahan.
“The presence of the nuncio [Archbishop Charles Brown] lends credibility to the celebration because the grace of being a pilgrimage church and for us having the plenary indulgence comes from the grace of Pope Francis and his presence makes our celebration the jubilee year meaningful and momentous.” dagdag ni Fr. Tenido.
Hamon ni Fr. Tenido sa nasasakupang mananampalataya lalo sa kabataan na ipagpatuloy ang pagpapayabong ng misyon sa komunidad ng Immaculada Concepcion sa susunod na mga henerasyon.
“Pahalagahan po natin ang mga natutuhan natin sa mga nakatatanda sa atin sa pananampalataya at huwag po nating kaligtaan na ibahagi ito at naway maging parte ng bawat pagdiriwang ang mga kabataan dahil sila yung magsisilbing kinabukasan ng ating pananampalataya at simbahan.” giit ng pari.
Tampok sa pagdiriwang na sinaksihan ng papal nuncio ang cultural show na ‘Pastores’ na handog ng The Parañaque National High School-Main, Kulturang Kayumanggi Dance Troupe and Rondalla.