1,249 total views
Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga Kristiyano na mangumpisal at magsisi sa mga kasalanan ngayong adbiyento bilang paghahanda sa pasko.
Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, makabuluhan ang adbiyento na pagkakataon na mangumpisal at makapagbalik loob sa Panginoon.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang pagdating ni Hesus at pagkatawang tao ay upang iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan.
Sinabi ni Bishop Baylon na bilang paghahanda sa pagdating ng Mesiyas ay pagkakataon ito para mangumpisal at magsisi sa mga kasalanan.
“Sa bahagi ng Adbiyento yung pagbabalik loob sa Panginoon, ang panahon ng pangungumpisal… It must be penitential kasi kaya nga siya pumunta dito dahil tinalikuran natin siya hinayaan nating pumasok ang dilim ng kasalanan at pagkamakasarili sa daigdig na ito, that’s why kailangan bumalik muna tayo sa kanya para tunay nating ma-welcome nga itong pasko ng kanyang pagsilang.”pahayag ni Bishop Baylon.
Ipinaalala ng Obispo na nararapat pagdating ng pasko ng pagsilang ay maging handa ang puso ng bawat isa upang tanggapin si Hesus na katuparan ng pagmamahal at pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa lahat.
Ang apat na linggo sa panahon ng Adbiyento ay sumisimbolo sa panahon ng paghihintay ng mga Kristiyanong Katoliko sa kapanganakan ni Hesus na isang makahulugang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko o pagsilang ng Anak ng Diyos na may hatid na pag-asa, pag-ibig at kapayapaan sa sangkatauhan.