1,608 total views
Naniniwala ang opisyal ng Minor Basilica-Parish of the Immaculate Conception and Archdiocesan Shrine of Sto. Niño ng Batangan na higit magpapalago sa debosyon sa Mahal na Ina ang canonical coronation sa imahe ng Immaculate Conception.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Basilica Rector at Parish Priest Fr. Angel Pastor, ibinahagi nitong magdudulot ng maalab na pamimintuho sa Mahal na Birheng Maria ang pagkilalang iginawad sa imahe.
“Isang magandang biyaya ito mula sa Panginoon through this [pontifical coronation] the devotion to the Blessed Mother will be strengthened at mas mapapalapit pa ang mga tao sa Diyos,” pahayag ni Fr. Pastor sa Radio Veritas.
December 8 kasabay ng dakilang kapistahan sa Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria ay pinutungan ng korona ang ‘La Batangueña’ sa ritong pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Tiwala ang nuncio kasabay ng pagputong ng korona sa Immaculada Conception ay matutulungan ang mga taong nakararanas ng pagkalumbay na madama ang makainang pagkalinga ng Birheng Maria.
“As we crown Mary today, so many people will come here to seek refuge under her mantle spiritually: to bring their sorrows, their needs, their desires close to Mary, close to her maternal Immaculate Heart and receive her protective shadow, her protective mantle covering over them.” ani Archbishop Brown.
Nagbuklod ang mamamayan ng Batangas sa pagbibigay parangal sa Mahal na Ina dahil ito rin ang patrona ng Batangas City.
Abril ng kasalukuyang taon nang matanggap ng Archdiocese of Lipa ang kalatas mula sa Congregation of Divine Worship and Discipline of the Sacraments na nagpapahintulot sa pontifical coronation sa imahe ng Inmaculada Concepcion de Batangan.
Ito ang ikalawang imahe na ginawaran ng canonical coronation sa lalawigan makalipas ang halos pitong dekada mula nang koronahan ang Nuestra Señora de Caysasay na nakadambana sa Taal at itinuring na patron ng arkidiyosesis.
Ito na rin ang ika – 52 Marian image na ginawaran ng pontifical coronation sa Pilipinas at ika – 22 imaheng kinoronahan sa ilalim ng pangangasiwa ni Pope Francis.