1,158 total views
Pinaalalahanan ni Parañaque Bishop Jesse Mercado ang pamayanan ng Immaculate Conception Parish, Gatchalian na ipagpatuloy at palawakin ang paglilingkod sa kapwa.
Ito ang mensahe ng obispo kasabay ng pagsara ng Jubilee Door ng simbahan na hudyat ng pagtatapos sa isang taong pagdiriwang sa ika – 25 anibersaryo ng pagkatatag.
Ayon kay Bishop Mercado, nararapat na pag-ibayuhin ang misyon ng simbahan na abutin lalo’t higit ang maralitang sektor ng lipunan na kadalasang naisasantabi.
“As we close our Jubilee Door, let us also become doors to welcome those who seek for God’s love. And, accompanied by Mary, may we always be ready to say yes to God and offer our service to others.” bahagi ng mensahe ni Bishop Mercado.
Ginanap ang pagsara ng porta sancta nitong December 8 sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang paglilihi kay Maria – ang patron ng parokya.
Unang tiniyak ng kura paroko na si Fr. Christopher Tejido ang pagpapaigting sa mga programa ng parokya na magpapalago sa pananampalataya kasabay ng paghimok sa kabataan na maging masigasig sa paglilingkod.
Kinilala ng pari ang Rogationist Fathers na unang nangasiwa sa kapilya ng Gatchalian nang halos limang dekada hanggang maitatag na parokya 25 taon ang nakalilipas.
Apela ni Fr. Tejido sa nasasakupang kawan ang pagbubuklod upang mapaigting ang misyon ng simbahan at mailapit ang bawat isa sa kalinga ng Panginoon.