257 total views
Mga Kapanalig, kahapon, Kapistahan ng Kristong Hari, ay pormal nang natapos ang Natatanging Taon ng Jubileo ng Awa. Natatangi o “extraordinary” ang nasabing jubileo dahil itinakda ito ni Pope Francis nang wala pa sa ika-25 taon matapos ang huling “ordinary jubilee” na ipinagdiwang noong taóng 2000.
Batay na rin sa “papal bull” na Misericordiae Vultus (na kung isasalin sa Filipino ay nangangahulugang “Ang Mukha ng Awa”), ang Taon ng Jubileo ay panahon ng paghingi ng kapatawaran at taos-pusong pagsisisi para sa mga nagawang kasalanan. Kasabay nito ang pakikipagkasundo at pagkamit ng tinatawag na “indulhensya plenarya” sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga banal na lugar. Sa pamamagitan ng Jubileo ng Awa, nais ng ating Santo Papa na magbalik-loob tayo sa ating Panginoon at yakapin ang Kanyang Banal na Awa. Akmang-akma ito lalo na’t labis na pagdurusang dinaranas ng napakarami nating kapatid at maging ng ating mga sarili. Isa itong natatanging pagkakataon upang sa ating mga buhay ay maranasan natin ang walang hanggang awa ng Diyos at maipaabot ito sa ating kapwang naguguluhan at nangangailangan ng makakapitan.
Ngunit hindi natapos kahapon ang ating misyong yakapin ang awa ng Panginoon at ihatid ito sa ating kapwa. Mula nang ideklara ito ng ating Santo Papa, tunay namang napakaraming nangyari sa ating personal na buhay at maging sa ating paligid. Gaya na lamang ng mga naganap sa mga huling araw bago matapos ang Natatanging Taon ng Jubileo ng Awa: Biyernes nang magulat ang marami sa atin nang mabalitang inilibing na si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Makatutulong na pagnilayan natin ang pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos mula sa lente ng awa at habag. Ngunit sa halip na ituon natin ito sa isang tao o pamilya, ibaling natin ang ating paningin sa mga taong naging magkasalungat ang pananaw sa nasabing isyu. May mga buong galak na tinanggap ang nangyari, at mayroon ding walang mapagsidlan ang kanilang pagkadismaya. Kapwa ay nangangailangan ng awa—awa para sa pagpanig sa iisang bersyon ng katotohanan, at awa para sa hindi pagkakakamit ng tunay na katarungan.
May isa pang grupo ng mga Pilipino na nangangailangan din ng awa. Sa pagitan ng mga nagtatagisang pananaw at damdamin, hindi ba’t mas marami sa atin ang mistulang walang pakialam sa isyu? Hindi ba’t mas nakababahala ang kawalan ng kaalaman ng mas maraming Pilipino sa bigat ng usaping ito? Humantong tayo sa sitwasyong ito—isang sitwasyong naghati-hati sa atin—dahil marami ang hindi nakakaalam, marami ang hindi nakauunawa. At bunga ito ng kakulangan ng pag-abot sa kanila ng mga taong may nalalaman at ng mga institusyong humuhubog sa ating kaluluwa bilang isang bayan.
Ang awa, gaya ng ipinamalas ni Hesus sa mga taong hindi lubos ang naging pagtanggap sa Kanya, ay isang biyayang kailangan nating matutuhan. Kailangan nating isabuhay ito upang maipamahagi sa mga pagkakataong tila ba mahirap abutin ang mga taong walang pakialam sa kanilang kapwa, sa mga taong walang pakialam sa kanilang lipunan. Ang awa ng ating Panginoon, na humantong sa pagkakapako sa krus ng Kanyang Anak na si Hesus para sa kasalanan nating lahat, ay dapat na mag-udyok sa ating mga sumasampalataya sa Kanya na patuloy na alamin ang katotohanan at isulong ang tunay na katarungan, nang sa gayon ay maabot natin ang ating kapwang piniling manahimik dahil walang nalalaman. Sa mga panahong nawawalan tayo ng ganang magpatuloy, paulit-ulit nating alalahanin ang walang hanggang awa at habag na ipinamalas ni Hesus sa lahat.
Mga Kapanalig, mapanghamon ang ating kasalukuyang panahon. Sa bawat pagsubok na kinakaharap natin bilang isang bayan, ang maiaambag natin bilang mga mananampalataya ay ang isang uri ng awang inuudyukan ng pagnanais na unawain ang ating kapwa at ang sitwasyong kinalalagyan natin. Ang kailangan natin ay isang uri ng awang itinutulak tayong kumilos upang gawin ang tama at nararapat.
Sumainyo ang katotohanan.