1,726 total views
Kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kababaihan bilang tagapangalaga ng kapaligiran.
Ito ang mensahe ng santo papa sa paggunita ng World Mountain Day kung saan tema ang Women move mountains”.
Sinabi ni Pope Francis na ito rin ay pagkakataong paalalahanan ang sangkatauhan sa kahalagahan ng kalikasan.
“The World Mountain Day, which invites us to recognize the importance of this wonderful resource for the life of the planet and of humanity; it’s true, women move mountains! – reminds us of the role of women in caring for the environment and in safeguarding the traditions of mountain populations,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Inihayag ng pinunong pastol ng simbahang katolika na ipinakikita ng mga pamayanang naninirahan sa kabundukan ang diwa ng pagiging komunidad na nagtutulungan at nagbubuklod sa paglalakbay.
Batay sa pag-aaral ng United Nations 15 porsyento sa populasyon ng mundo ang nanirahan sa kabundukan at nangangalaga sa kalahati ng biodiversity hotspots ng daigdig.
Itinagala ng UN ang International Year of Mountains noong 2002 na layong bigyang pahalaga ang mga kabundukan na lantad sa panganib ng climate change dulot ng labis na pananamantala ng tao.
Matatandaang inilahad sa Laudato Si ni Pope Francis ang wastong pangangalaga ng kalikasan na nararapat gampanan ng bawat mamamayan upang mapanatiling maayos at mapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.
Sa Pilipinas ilan sa tinututulang proyektong makapipinsala sa kabundukan ang multi-billion-peso Kaliwa Dam project sa Sierra Madre mountain range at iba’t ibang minahan sa bansa lalo na sa Mindanao region.