548 total views
Mga Kapanalig, napakalawak at madamdamin ng mga naging reaksyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa naging resulta ng halalan sa Estados Unidos. Sa loob at labas ng Amerika, marami ang nagpahiwatig ng kanilang mga pangamba at agam-agam sa pagkapanalo ni Ginoong Donald Trump bilang susunod na pangulo ng bansang iyon.
Sa mga Pilipino, may dalawang sektor na lubos na nababahala. Isa ay ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Amerika na hindi pa nabibigyan ng pahintulot para ligal na manirahan doon. Noong panahon ng kampanya, itinuring sila ni US President-elect Trump na illegal immigrants. Ang ikalawang nababahalang sektor, dito naman sa Pilipinas, ay ang mga nagtatrabaho sa mga BPO o business process outsourcing. Sa kasalukuyan, ang kabuuang kita ng mga nagtatrabaho sa mga BPO sa ating bansa ay nahigitan na raw ang kabuuang halaga ng remittances ng mga OFW. Magkalayo man sila ng bansang kinalalagyan—ang isa ay sa Amerika at ang isa sa Pilipinas—nagkakatulad ang kanilang sitwasyon sapagkat ang hanapbuhay ang kanilang ipinangangambang maapektuhan ng maaring maging polisiya ng gobyerno ng Amerika sa ilalim ng pamumuno ni Ginoong Trump.
Dahil sa tinatawag nating globalisasyon, sadyang magkakaugnay na ang mga bansa ngayon hindi lamang dahil sa pagpapalitan ng mga produkto at capital, kundi dahil sa pangingibang-bayan ng trabaho o labor migration. Ang mga namumuhunan sa ibang bansa ay maaring sa Pilipinas ipagawa ang kanilang mga operasyon dahil mas mura dito ang pasahod, at ito na nga ang dahilan kung bakit dumarami ngayon ang mga BPO sa Pilipinas. Mas mura ang pasahod sa ating bansa kumpara sa pasahod sa mas mayayamang bansa tulad ng Amerika, habang mataas naman ang kahusayan ng mga manggagawa hindi lamang sa wikang Ingles kundi pati sa sipag, pasensya, at attitude sa trabaho na mahalaga sa mga kumpanyang banyaga.
Isang madalas na ring napag-uusapan ngayon ay ang isyu ng kontraktwalisasyon sa ating bansa. Isang laganap na kalakaran sa mga kumpanya ay ang pagbibigay ng lima o anim na buwang kontrata sa mga manggagawa upang hindi sila maging permanenteng empleyado na kailangang bigyan ng mga benepisyong ipinag-uutos ng ating batas. Kapag natapos ang kontrata, o end of contract o ENDO, wala na naman silang trabaho.
Ang mga nasabing kalagayan ng mga manggagawang Pilipino, kasama na rin ang mga magsasaka at mga mangingisda sa kanayunan, ay may kaugnayan sa kawalan ng katiyakan sa hanapbuhay.
Sa pananaw ng ating Simbahan, ito ang isa sa pinakamalubhang suliranin ng kasalukuyang sistema ng ekonomiya sa mundo. Ayon sa turo ng Santa Iglesia, ang hanapbuhay o paggawa ay isang pangunahing karapatan. Ang karapatang ito ay nakaugat sa pagkakaroon ng dignidad ng bawa’t tao. Makailan na ring nagpahayag si Pope Francis ng kanyang pagkabahala sa pagdami ng mga kabataang hindi makahanap ng trabaho, kahit sa mga mauunlad na bansa. Inulit niya ang turo ni Santo Papa Juan Pablo II na nagsasabing hindi sapat ang pagtanggap ng welfare o ayuda mula sa estado; ang pagkakaroon ng hanapbuhay ang nagbibigay ng dignidad sa tao, sapagkat sa pamamagitan nito ay nakikilahok siya sa buhay ng lipunan at nagkakaroon siya ng boses dito.
Dahil ang pangkabuhayang kaayusan sa mundo ngayon ay nagdudulot ng maraming problema ukol sa paggawa, sinasabi ng ating Simbahan na ang mga gobyerno ng iba’t ibang bansa ay may tungkuling magpairal ng mga patakarang lilikha ng sapat na oportunidad upang ang lahat ay magkaroon ng maayos na hanapbuhay.
Mga Kapanalig, malalaki ang mga pwersa sa pandaigdigang kaayusan na nagtatakda ng magiging kalagayan ng mga manggawang Pilipino sa loob man o labas ng ating bansa. Dahil dito, napakahalagang sa pakikitungo ng ating pamahalaan sa gobyerno ng mga dayuhang bansa ay lagi nitong isasaalang-alang ang kapakanan ng ating mga manggagawa, hindi ang pansariling interes at agenda.
Sumainyo ang katotohanan.