1,138 total views
Hinimok ng opisyal ng Office on Stewardship ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na magtulungan para sa kinabukasan ng lipunan.
Ito ang pagninilay ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa nagpapatuloy na paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ni Hesus.
Ayon sa obispo sa halip na maging abala sa mga materyal na bagay sa mundo dapat tingnan ang kalagayan ng lipunan at ng kapwa.
Naniniwala si Bishop Pabillo na malaki ang magagawa ng mamamayan sa pagpapanibago ng kasalukuyang kalagayan ng pamayanan na magbibigay pag-asa sa kinabukasan.
“Hindi man natin mapipigil ang mga corruption, hindi man natin matutulungan ang lahat ng mahihirap pero matutulungan natin ang isang mahirap. Hindi man natin maituwid ang lahat ng pagsisinungaling, mapipigilan natin ang pagkalat ng ilang sinungaling. Gawin natin ang magagawa natin at ang Diyos na ang aayos para sa lahat,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Binigyang diin ng opisyal na sa paggawa ng kabutihan sa kapwa ay napapaalab ang pag-asang hatid ng Diyos sa sanlibutan.
Batid ni Bishop Pabillo na maraming Pilipino ang naghahangad ng magandang kinabukasan kaya’t maisasakatuparan ito sa pagbubuklod at pagtutulungan.
Ilan sa malalaking suliraning kinakaharap ng Pilipinas sa kasalukuyan ang mataas na inflation rate na umabot sa walong porsyento dahil sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo bunsod ng pandaigdigang suliraning ekonomiya.
Apela ng simbahan sa mga namumuno sa pamahalaan na unahing tiyakin kapakanan ng mga Pilipino lalo na ang mga maralita na labis naapektuhan sa paghina ng ekonomiya na nagdudulot ng labis na kahirapan at kagutuman.