17,871 total views
Kapanalig, ang pabahay ay isa sa mga importanteng goals ng ating mga mga kababayan. Marami sa atin, halos magkanda kuba na sa kakatrabaho para lamang makaipon para magpundar ng sariling bahay. Marami sa atin, nag-abroad at iniwan ang pamilya para dito. Marami rin sa atin, pagod na, pero hanggang ngayon, wala pa ring sariling bahay.
Ayon nga sa isang pag-aaral, hindi pa rin malutas hanggang ngayon ang housing deficit sa ating bayan. Mula 2017 hanggang 2022, tinatayang nasa 6.5 million ang housing deficit sa ating bansa, at ang kadalasang naapektuhan nito ay ang maralita dahil hindi abot kaya ang presyo ng housing o pabahay sa ating bansa, lalo na sa mga highly urbanized cities. Kailangan talaga masuri natin ang affordability ng ating mga pabahay upang maging realidad ang pangarap na tahanan ng marami nating mga kababayan.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, ang affordability ng pabahay ay may tatlong aspeto: attainability o abot kaya; decency; at sustainability. Kapag sinabing attainable kapanalig, ito ay hindi lamang ukol sa housing cost, kundi ukol sa ugnayan o ratio ng housing cost at income. Halimbawa, karaniwang sinasabi na kung 30% ng ating income ay napupunta sa pabahay, attainable o abot kaya pa ito. Kaya lamang kapanalig, ang income ng mga tao ay iba iba, at sa maralita sa Pilipinas kung saan mga P12,000 kada buwan lamang ang kita para sa limang miyembro ng pamilya, pag kinaltas mo pa ang 30%, mga P8,400 na lamang ang matitira para sa pamasahe, pagkain, basic utilities, at toiletries ng tatlong anak at dalawang magulang para sa isang buwan. Pag mahal ang pabahay, mas lalong mahirap makamit, pero kahit mura ang pabahay, kung maliit ang kita, hindi pa rin ito makakamit.
Kapanalig, kailangan suriin ng ating pamahalaan ang affordability ng housing sa ating bayan kung tunay na nais nitong matulungan ang maralita. Mismatched, kapanalig, ang presyo ng kahit ng pinakamurang pabahay sa ating mga syudad. Kung ipagpipilitan naman natin na pwede naman sila sa mga housing programs sa mga karatig probinsya ng mga syudad, mas wala lalong matitira sa kanilang kita dahil kakainin pa ito ng pamasahe tungo sa trabaho nila. Kailangan maglatag ng mga housing programs ang bayan na tunay na pang-maralita.
Malaking pagbabago sa polisiya ng pabahay ang kaugnay ng pagsusuri sa affordability ng pabahay sa bansa. Sana’y maprayoridad ito ng pamahalaan upang mabawasan naman ang housing deficit ng bayan. Sabi nga ni Pope Francis: There is no justification whatsoever for homelessness. Ang kawalan ng pabahay ay hindi makatarungan. Ang pagkakaroon ng pabahay ay karapatang nating lahat, at marapat na tugunan ito ng pamahalaan, na siyang inatasan na mangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan.
Sumainyo ang Katotohanan.