171 total views
Nanawagan si dating CBCP president Lingayen-Dagupan archbishop emeritus Oscar Cruz kay president-elect Rodrigo Duterte na asikasuhin ang pagpapatino sa mga nagpapatupad ng batas.
Ayon kay archbishop Cruz, marami pa ring tiwali na nasa gobyerno pa rin lalo na at hindi naman inaksiyunan ng papaalis na Administrasyong Aquino ang maraming kaso ng katiwalian na nasasangkot ang kanyang mga kaibigan, kaklase at kabarilan (KKK).
“Anong klaseng hustisya ito na ‘yung mga kakampi ng mga namumuno ng administrasyon libre lahat sa graft and corruption at ‘yung nape-pressure ‘yung mga kalaban, hindi kapartido lang, dun lang medyo (masusuntok) na kayo bakit ang hustisya iba tingin, pag mayaman kayo lahat pwedeng bayaran pati mga prosecutors mga huwes, nakakalungkot so justice system justice system President Duterte yan po ang asikasuhin niyo, ang patinuin ang mga nagpapatupad ng batas,” pahayag ni archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ng arsobispo, wala ring ginawang hakbang ang Pangulong Aquino sa malalaking kaso ng krimen sa kanyang administrasyon gaya ng mga massacre at ang Luneta hostage taking
“Ang problema natin sa Pilipinas, nauunawaan ko ‘yung incoming president, dahil ‘yung aalis na pamunuan eh talagang walang ginawa tungkol sa hustisya, natatandaan ‘nyo ang Luneta hostage, andun, pasimple simple, nu’ng umaga patay na’ng lahat eh dumating nakangiti pa, ‘yung Atimonan massacre, ‘yung Mendiola massacre, ‘yung killings sa Tarlac, wala, walang ginawa,” ayon pa sa arsobispo.
Matatandaang sa bilyong pisong PDAF pork barrel scam, pawang mga kalaban sa pulitika ng kasalukuyang administrasyon ang inuusig at pansamantalang nakakulong gaya nina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Juan Ponce Enrile at ang gumawa ng mga dummy ng NGOs na pinaglagyan ng pork barrel na si Janet Lim-Napoles.