187 total views
Ang teknolohiya ay naging tulay ng marami nating kababayan ngayon upang maabot o ma-access ang mga pangunahing serbisyo sa ating bansa. Sa pamamagitan nito, naka-survive tayo sa mga mobility restrictions na dulot ng pandemya.
Ang teknolohiya – Internet, wifi, telecommunications – ito ang ating naging kaagapay ngayon. Tinatayang nasa 73.91 milyong Filipino ang mga internet users ngayong January 2021, na katumbas na ng 67% ng ating populasyon. Ang bilang na ito ay 6.7% ang tinaas mula ng January 2020. Para maka-connect sa Internet, 98.5% ng mga Filipino ay gumagamit ng smart phones at 77.3% naman ay gamit din ang laptop o computers. Halos 11 hours na, kapanalig, ang babad nating mga Filipino sa Internet ngayon.
Hindi naman nakakapag-tataka kung bakit ganyan na tayo katagal sa Internet ngayon. Dito na tayo nag-aaral, dito na tayo nagtatrabaho, dito na rin nga tayo nag-shopping at namamalengke. Pati mga medical check-ups natin, sa Internet na rin. Ganito na kahalaga ang teknolohiya sa ating panahon ngayon, kapanalig. Ang kawalan nito ay kawalan na rin ng access sa mga batayang karapatan at serbisyo para sa mamamayan.
Kaya nga’t good news na umaangat na ang antas ng bayan pagdating sa Internet speed. Ayon sa Ookla report, pang- 86 na ang ranggo ng ating bansa mula 111 pagdating sa global mobile internet speed rankings nitong January 2021. Malaking pagbabago ito, lalo pa’t napakaraming taon din nating nagtiis sa mabagal at mahal pa na internet.
Pero bitin pa rin ito kapanalig. Ang bilis ng Internet ay na-eenjoy lamang ng mga mamamayang may access na sa Internet. Kailangan pa rin natin bigyang atensyon ang coverage. Lahat ba tayo ay may access na dito?
Idagdag sana natin, kapanalig, sa ating mga sukatan sa tagumpay sa teknolohiya hindi lamang ang bilis o speed, kundi pati ang coverage. Naabot ba natin ang majority o lahat ng ating mga mamamayan? May maayos na signal ba tayong lahat, kapanalig? Lahat ba ng estudyanteng kailangang mag-online class ay nakaka-connect sa Internet? Dumadami ba ang bilang ng mga nakaka-connect sa Internet? Delikalidad ba ang ating koneksyon o mabilis nga pero paputol putol din? 67% ng ating mga mamamayan ang nakaka-connect sa Internet ngayon, paano naman ang ibang natitira?
Kapanalig, ang pantay-pantay na access sa mga batayang serbisyo, gaya ng Internet, ay nakapakahalaga. Kapag ating hinahayaang maiiwan ang iba sa ganitong uri ng kawalan o deprivation, iniiwan natin sila sa karukhaan. Lahat tayo ay mahalaga, lahat tayo ay may karapatan sa mga serbisyong panlipunan. Paalala ng Laudato Si: We should be particularly indignant at the enormous inequalities in our midst, whereby we continue to tolerate some considering themselves more worthy than others.
Sumainyo ang Katotohanan.