330 total views
Kapanalig, napakahalaga ng access to finance, lalo na sa mga maliliit na negosyo. Kapag may access to finance, mas madaling makabuo ng puhunan at maka-pag expand ang mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs.
Ang MSMEs kapanalig, ay haligi ng ating ekonomiya. Ayon sa opisyal na datos, mahigit 99% ng ang mga negosyo sa ating bansa ay mga MSMEs. At sa hanay ng mga MSMEs, mahigit 90% ang mga micro.
Kapanalig, hindi madali ang magnegosyo, lalo na kung maliit ka lamang na negosyante. Ang konting kita ay kailangang maayos na mahawakan upang mapaikot pa ito. Kaya lamang, kahit gaano ang ingat at galing mong humawak ng pera, marami pang ibang salik ang maaring maka-apekto ng mga negosyo.
Isa na rito ay ang pagtaas ng presyo ng mga raw materials. Ngayong nagtaas ang mga presyo ng bilihin, maraming mga maliit na negosyo ang hirap, marami ang nagsara. Ang pagtaas din ng transport costs ay malaki ang epekto sa negosyo. Apektado ang buong chain ng kanilang produksyon dahil sa paiba-ibang presyo ng langis na siyang nagpapataas ng presyo ng pagtransport ng raw materials, pati ng finished products sa merkado.
Kapanalig, apektado rin tayo sa mga paghihirap na dinadanas ng ating mga MSMEs. Nakasalalay rin sa kanila ang ating ekonomiya, ang ating buhay. Marami sa kanila ang nagbibigay trabaho sa marami nating mga kababayan. Sa kanila tayo bumibili ng ating mga pangunahing pangangailangan. Sa kanila nakasalalay ang pag-galaw ng ating merkado.
Ang pagbibigay sa MSMEs ng kanilang pangangailangan, gaya ng access to finance, ay pagtugon din sa pangangailangan ng marami nating mamamayang nakadepende sa kanila. Kadalasan, mahirap para sa kanila ang maka-access ng finance o pautang dahil malaking kolateral pa ang kailangan nila para lamang makahiram ng kakarampot na kapital, na babayaran din naman nilang may malaking interes. Kailangan nating magbuo ng mga financial products na tunay na tutulong sa mga maliiit na negosyo sa ating bayan.
Ayon sa Economic Justice for All – ang pagmamahal sa mga poor and powerless, gaya ng mga maliliit na negosyo, ay umuusbong mula sa radikal na pagmamahal na siyang inutos ng Diyos – ang pagmamahal sa kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili. Dito rin nakikita natin ang ating pagkaka-ugnay-ugnay – ang pangagalaga sa kapwa, sa MSMEs, ay pangangalaga din sa ating sambayanan. Dinggin sana natin ito, at makita na kongkretong nangyayari sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.