183 total views
Patuloy ang ibinibigay na tulong ng Aid to the Church In Need (ACN) Philippines sa muling pagbangon ng Marawi City, isang taon makaraang ideklara ang kalayaan ng lungsod mula sa Maute-Isis terrorist.
Ayon kay Jonathan Luciano, National Director ng ACN Philippines, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang programa katuwang ang Duyog Marawi kabilang dito ang pagbibigay ng pagkakakitaan, Trauma healing, at Scholarship sa pamilya ng mga hostage survivors.
“Dun nga po nagsimula ang tulong ng ACN sa apat na aspeto at kasalukuyan pa rin itong isinagawa hanggang sa ngayon. Una ang livelihood support sa hostage survivors, binigyan po natin sila para matulungan ang mga survivors or family ng survivors upang mag-undergo ng trauma healing especially ang livelihood, at nagpo-provide na tayo ng Scholarship,” ayon kay Luciano sa panayam ng Radio Veritas.
Sa kabila nito ay wala pang kumpletong datos ang ACN-Philippines dahil patuloy pa ring hinahanap ang ilan pang mga dating dinukot ng mga terorista.
Mayo 2016 nang lusubin ng mga terorista ang Islamic City ng Marawi na nagtagal ng 148 araw o limang buwan na nagresulta sa pagkamatay ng 163 sundalo at mga pulis na nakipaglaban sa mga terorista.
October 17 nang ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte na ganap ng malaya ang lungsod bagama’t hindi pa rin nakakabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente sa ground zero o sa lugar na labis na naapektuhan ng digmaan.