428 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang pontifical foundation ng Vatican sa bansa na Aid to the Church in Need Philippines sa pananalangin ng buong Simbahang Katolika sa Pilipinas para sa kapayapaan sa bansang Myanmar.
Ayon kay ACN Philippines National Director Jonathan Luciano, higit na mabisa ang sama-samang pananalangin ng mga Kristiyano bilang sandata sa pagkamit ng pagkakaunawaan at kapayapaan.
Sinabi ni Luciano na mahalaga ang pananalangin upang tuluyang mawakasan ang hidwaan at hindi pagkakaunawaan na nagdudulot ng pasakit, hirap at takot sa mamamayan.
“Nakikiisa po ang Aid to the Church in Need sa pananalangin para sa kapayapaan sa Myanmar. Ang pagkakaisa natin bilang mga Kristiyano na naghahangad ng pagkakaunawaan, pagtanggap at kapayapaan ay mabisang sandata upang tuluyang mawakasan ang hidwaan na nagdudulot ng hirap, pasakit at takot sa marami nating mga kapatid lalo’t higit sa mga lugar kung saan tinutuligsa at pinahihirapan ang mga Kristiyano dahil sa kanilang pananampalataya at paniniwala.” pahayag ni Luciano sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Luciano, nawa sa pamamagitan ng pananalangin para sa kapakanan ng mamamayan at Simbahang Katolika sa Myanmar ay dinggin ng Panginoon ang pagsusumamo ng bawat isa na mapagharian ng pag-ibig at pagkakaunawaan ang buong daigdig.
“Dumalangin tayo sa Diyos ng kapayapaan at pag-ibig na sana ay pakinggan Niya ang ating pangalangin para sa isang mundong pinaghaharian ng pag-ibig at pagkakaunawaan.” Dagdag pa ni Luciano.
Una ng inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pakikiisa ng Simbahan sa Pilipinas sa pananalangin para sa kapayapaan ng Myanmar.
sa isang sirkular ay umapela si CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles sa lahat ng mga diyosesis at arkidiyosesis kasama na ang mga prelatura at apostolic vicariates sa bansa na mag-alay ng panalangin para sa Myanmar kasabay ng paggunita sa Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos sa ika-30 ng Mayo.
Sa pamamagitan ng isang liham ay ipinaabot ni Yangon Archbishop Cardinal Charles Maung Bo – Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of Myanmar (CBCM) kay Archbishop Valles ang “Extreme Appeal” ng pakikiisa at pananalangin matapos na atakihin ng militar ang isang Simbahan na nagsisilbing takbuhan ng mga mamamayan na naiipit sa patuloy na kaguluhan sa bansa kung saan apat ang namatay.
Batay sa tala, mula ng magsimula ang kaguluhan sa bansa noong unang araw ng Pebrero ng kasalukuyang taon tinatayang umaabot na sa mahigit 820 ang nasawi dulot ng patuloy na nagaganap na kaguluhan at karahasan.