48,315 total views
Nagtungo ng Marawi ang ilang opisyal ng Aid to the Church in Need–Philippines upang makapagpaabot ng tulong sa mga biktima ng pagsabog sa gymnasium ng Mindanao State University.
Pinangunahan ni CAN-Philippines Administrator Rev. Fr. Jaime Marquez ang pagbisita sa mga biktima at pamilya ng mga nasawi kasama si ACN Philippines Assistant Administrator Fr. Aldwin Ivan Gerolao.
Ayon sa pamunuan ng ACN-Philippines, hindi katanggap-tanggap at isang tahasang pag-atake sa karapatang pantao at kalayaan sa pananampalataya ang karahasan na nangyari sa pagdiriwang ng Misa sa unang Linggo ng Adbiyento.
“As people of faith, we believe in the power of compassion, understanding, and love. We recognize the importance of standing together in unity, regardless of religious background, to condemn all forms of violence and prejudice. We call for a world where differences are embraced, dialogue prevails, and human dignity is respected.” Ang bahagi ng mensahe ng ACN-Philippines.
Pagbabahagi ng ACN-Philippines sa kabila ng pagdadalamhati ay hindi mababago ang paninindigan ng Simbahan sa pagsusulong ng pag-ibig, pagkakaisa at pagkakapatiran tungo sa pagkakaroon ng ganap na kapayapaan sa daigdig.
“We believe that love must overcome hate, and that understanding must triumph over division. We extend our deepest condolences to the families and friends of the victims, and wish a speedy recovery to those injured.” Dagdag pa ng ACN-Philippines.
Sa ulat ng Philippine National Police pasado alas-siyete ng umaga noong ikatlo ng Disyembre, 2023 ng mangyari ang pagsabog sa gymnasium ng Mindanao State University sa pagsisimula ng banal na misa kung saan apat katao ang nasawi habang mahigit sa 40 naman ang nasugatan.
Mariing kinondina ng Prelatura ng Marawi ang naganap na pagpapasabog at pinangunahan ang pananalangin sa Panginoon upang ipagkatiwala ang mga nangyayari sa lipunan at pangibabawin ang kapayapaan at pagkakasundo lalo na sa nalalapit na Pasko ng Pagsilang ni Hesus.