19,006 total views
Inaanyayahan ng sangay ng pontifical foundation ng Vatican sa bansa na Aid to the Church in Need-Philippines (ACN) ang mamamayan na makibahagi sa One Million Children Praying the Rosary Campaign sa ika-18 ng Oktubre, 2024.
Ayon kay ACN – Philippines Chairperson, Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, iaalay ang sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo ngayong taon sa pagkakaroon ng ganap na kapayapaan sa daigdig.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang pananalangin ng mga kabataan ay maituturing na pambihirang musika para sa Panginoon at isang paraan upang ganap na maipaabot ang mga pasasalamat, at pagsusumamo sa Panginoon.
Inihayag ni Archbishop Villegas na kaakibat ng pananalangin ng Santo Rosaryo ang paniniwala at pananampalataya sa pag-asa at himala na hatid ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“The prayer of every child is a lullaby music for the ears of the Lord, on October 18, 2024 at 9 in the morning one million children of God will pray the Rosary for peace in the world. One million children praying a lullaby song for the heart of God, I am very sure a miracle will unfold, a miracle of peace will be given to the world because of One million children praying the Rosary for peace.” paanyaya ni Archbishop Villegas.
NIlinaw naman ng Arsobispo na ang Worldwide Prayer Event na One Million Children Praying the Rosary Campaign ay isang paanyaya ng pananalangin ng Santo Rosaryo ay hindi lamang para sa mga bata kundi para sa lahat.
Dahil dito, umaasa si Archbishop Villegas sa pakikibahagi ng bawat pamilya, paaralan at komunidad sa nakatakdang pandaigdigang pananalangin ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan sa ika-18 ng Oktubre, 2024 ganap na alas-nuebe ng umaga.
“We are all God’s children regardless of age and I am inviting you this year October 18, 2024 at 9am to pray the Rosary wherever you may be offering for peace in the world and peace in our hearts and let us join in offering a lullaby song to the ears of our Lord that brings the King of Peace Jesus who is peace in Himself. Pray the Rosary, a Rosary in every family, a Rosary in every school, a Rosary in every workplace, a Rosary in everywhere is the key to the peace of the world that we are all searching for. Let us come together to pray the Rosary, a world of prayer is a world of peace.” Dagdag pa ni Archbishop Villegas.
Nagkatakdang isagawa ang One Million Children Praying the Rosary Campaign na may tema ngayong taon na “Tinig ng Pag-asa ng mga Munting Alagad” sa Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica ng Diyosesis ng Malolos sa ika-18 ng Oktubre, 2024 ganap na alas-nuebe ng umaga.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo rosaryo sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa at maging sa buong mundo.
Inilunsad ang pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Caracas, Venezuela noong taong 2005 kung saan umaabot na sa mahigit 80-bansa ang taunang nakikibahagi sa malawakang pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo kabilang na ang Pilipinas nang inilunsad ang gawain sa bansa noong taong 2016.