2,089 total views
Nakikiisa ang Diyosesis ng Bayombong, Nueva Vizcaya sa pandaigdigang pagdiriwang ng Season of Creation ngayong taon.
Ayon kay Bishop Jose Elmer Mangalinao, ang panahon ng paglikha ay paghikayat sa bawat isa upang panibaguhin ang mga sarili at paigtingin ang kamalayan sa iba’t ibang nangyayari sa kapaligiran.
“Season of creation invites all of us to see, judge, and act everything that is happening around us,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na kabilang sa mahalagang tungkulin ng tao para sa kalikasan ang pagmamasid at pag-unawa sa kasalukuyang kalagayan ng kalikasan na unti-unting nauubos dahil sa pang-aabuso at kapabayaan ng mga tao.
Sinabi ni Bishop Mangalinao na ang kalayaang tinatamasa ng bawat isa ay karapatan maging ng inang kalikasan kaya’t dapat itong gamitin nang wasto at may dignidad.
“Paano natin ginagamit ang ating kalayaan sa pangangalaga o pagsira sa likas na yamang bigay ng Diyos? Ang mga kalamidad: bagyo, sunog, tagtuyot, pagguho ng lupa, pagbaha ay malakas na tinig ng kalikasan laban sa pang-aabuso ng tao sa KARAPATAN ng kalikasan,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Iginiit naman ng obispo ang wastong pagsasabuhay sa mga pamamaraang makakatulong sa kalikasan tulad ng ‘three Rs’ na Reduce, Reuse, at Recycle na matagal nang isinusulong upang tugunan ang suliranin sa basura.
Paliwanag ni Bishop Mangalinao na huwag sana itong manatiling slogan lamang bagkus ay dapat na gampanan para maging kapaki-pakinabang sa kalikasan at sa mga susunod pang henerasyon.
“Act now. Kumilos sa kapakanan ng lahat at hindi lamang para sa sarili. Sabi nga ang ating micro effort ay may macro impact,” saad ni Bishop Mangalinao.
Kabilang naman sa mga usaping pangkalikasan na patuloy na tinututukan ng Diyosesis ng Bayombong ang mapaminsalang pagmimina ng OceanaGold Corporation sa Didipio, Nueva Vizcaya.
Una nang inihayag ni Bishop Mangalinao na ang nakikitang benepisyo ng pamahalaan sa pagmimina ay malayo sa mga nararanasan ng mga katutubong pamayanan na higit pang naghihirap dahil sa pinsalang dulot nito.