238 total views
Inaasahang matutugunan ang malaking problema ng Pilipinas sa climate change sa isinasagawang Department of Environment and Natural Resources Environmental Summit sa Ateneo de Davao University na may temang “State Of Mindanao Environment Day with Sec. Gina” o SOMEday with secretary Gina na nagsimula ngayong araw.
Dumalo sa summit ang mga kasapi ng komunidad at mga grupo mula sa iba’t ibang panig ng bansa patungkol sa mga suliranin ng kapaligiran tulad ng laganap na pagmimina at mga pasilidad ng coal fired power plants.
Iginiit ni Rodney Galicha ng Aksyon Klima ang kahalagahan ng pagtitipon na inaasahang tutugon sa suliranin ng bansa sa climate change.
“Itong environmental summit na ito sa ating bansa, ito’y unang pangyayari, first of its kind at ito’y gagawin sa mga rehiyon lalong-lalo na sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Napaka halaga nito dahil, ito’y isang malaking pagtitipon ng mga lider ng iba’t-ibang pamayanan, indigenous people, sa mga apektado ng problemang pang-kalikasan tulad ng pagmimina at iba pa, at ito’y pag-uusapan ang mga problemang ito na direktang kasama ang mga ahensya ng gobyerno lalong lalo na ang DENR,”pahayag ni Galicha.
Ayon kay Galicha, isang napaka-gandang oportunidad na direktang makapanayam ang mga matataas na pinuno ng pamahalaan at maipahayag dito ang mga problemang kinakaharap ng maliliit na pamayanan.
Hinimok naman ni Galicha ang mga kabataan na bagamat hindi makadadalo sa Environmental Summit ay patuloy paring makilahok sa pamamagitan ng pag-tweet gamit ang hashtags na #OyaMindanaw at #GinaIsComing.
Mahigit sa 4,000 delegado ang lalahok sa kauna-unahang environmental Summit na inorganisa ng DENR at Ateneo de Davao University.