197 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng ating pagkabahala sa patuloy na banta ng COVID-19, sa pagsisimula ng panahon ng tag-init na magbubunga ng kakulangan sa tubig, at sa pagtindi ng katiwaliang bunsod ng pagpasok ng mga dayuhan sa ating bansa, heto at abala ang ating mga lingkod-bayan sa Kamara de Representante sa pag-aagawan sa kapangyarihan at pamumulitika.
Lumutang noong huling linggo ng Pebrero ang usap-usapang may nilulutong kudeta ang ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang patalsikin ang kasalukuyang speaker na si Taguig Cong. Alan Peter Cayetano. Hinihimok daw ng mga mambabatas na ito ang kanilang kapwa mambabatas na suportahan si Marinduque Congressman Lord Allan Velasco na inaasahang papalit kay Cong. Cayetano sang-ayon na rin sa napagkasunduan nilang term sharing na magsisimula sa Oktubre ngayong taon.
May basbas ni Pangulong Duterte ang hatian sa termino ng dalawang kongresista upang mapagbigyan ang mga nagbabanggaang paksyon sa loob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ngunit nais umano ng kampo ni Cong. Velasco na gawing mas maaga ang kanyang pag-upo dahil nangangamba silang hindi tutuparin ni Cong. Cayetano ang term sharing lalo pa’t mataas ang approval rating niya sa isang survey.
Nakalulungkot na ito ang pinagkakaabalahan ng ating mga kongresista. Kahit sabihin nilang inaasikaso naman nila ang paggawa ng mga batas, kaliwa’t kanan naman ang paglabas nila sa TV at pagpapa-interbyu sa radyo upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Sinasamantala naman ito ng media na mistulang ginagatungan ang isyu at iniintriga ang mga sangkot na pulitiko sa halip na maging instrumento ng publiko upang tiyaking nagtatrabaho ang ating mga kagalang-galang na mga mambabatas. Sa ganitong sitwasyon, taumbayan ang talo.
Sa isang mensahe noong isang taon, binigyang-diin ni Pope Francis ang halaga ng pulitika sa pagtatatag ng ating lipunan at ng mga institusyon. Ngunit, paliwanag niya, kung hindi nakikita ang pulitika bilang isang uri ng paglilingkod sa lipunan, maaari itong maging paraan ng pagmamalupit, pagsasantabi, at pagkawasak. Aniya, “…the thirst for power at any price leads to abuses and injustice.” Ang pagkauhaw sa kapangyarihan at pagkamit nito anuman ang maging bunga nito ay magdudulot ng pang-aabuso at kawalang-katarungan.
Isa itong katotohanang alam ng mga namumuno sa ating pamahalaan, ngunit dahil walang pakialam ang taumbayan at tikom ang kanilang bibig sa gulong nililikha ng mga pulitikong kapit-tuko sa kapangyarihan, patuloy lamang ang ating mga makasariling lider sa kanilang pamumulitika—at kitang-kita natin ito sa isyu ng umano’y kudeta sa ating Kamara de Representante.
Akma ang winika ni Hesus sa Marcos 9:35 bilang paalala sa ating mga kasalukuyang lider: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” At sino ang mga dapat paglingkuran ng ating mga lider? Nariyan ang 17.6 milyong Pilipinong itinuturing na mahirap gamit ang opisyal na sukatan ng kahirapan noong 2018. Sa taon ding iyon, tinatayang nasa tatlong milyong pamilya ang mahirap; 800,000 sa mga ito ang walang kakayanang makabili ng pagkain.
Tunay na paglilingkod din ang nararapat para sa mga kababayan nating hindi pa rin nakababalik sa kanilang mga tahanan dahil sa mga kalamidad katulad ng pagsabog ng Bulkang Taal; sa huling tala ng DSWD, hindi baba sa 1,000 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers, habang mahigit 35,000 pamilya ang nakikitira sa kanilang mga kaanak at kaibigan. Sa Mindanao naman, mahigit 33,000 na kababayan natin ang napilitang lisanin ang kanilang tahanan upang takasan ang labanan ng mga sundalo at mga armadong grupo o kaya naman ay dahil nasira ang kanilang mga bahay dahil sa sunud-sunod na lindol noong isang taon.