179 total views
Kumbinsido ang Partido ng Manggagawa sa naging resulta ng pag – aaral na inilabas ng Social Weather Station o SWS na 11-milyong Pilipino ang walang trabaho.
Ayon kay Rene Magtubo, walang nalikhang trabaho ang administrasyong Aquino dahil pinondohan lamang ng gobyerno ang mga serbisyo na limitado sa mga negosyante.
“Kasi naman hindi naman talaga nagkaroon ng malaking pagbabago sa job generation ng ating ekonomiya. Bagamat sabihin natin mayroong pag – unlad in terms of Gross Domestic Product pero hindi naman talaga umunlad yung mga sector ng ekonomiya natin tulad ng manufacturing, tulad ng agrikultura, tulad ng mga home grown industry natin na nagge – generate ng maraming trabaho sa ating bayan,” bahagi ng pahayag ni Magtubo sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinang-ayunan naman ni Magtubo ang binabalak na paglalaan ng pondo ng Duterte administration lalo na sa ikauunlad ng sektor ng agrikultura at manufacturing industry na makatutulong sa mga lokal na manggagawa sa kanayunan.
“Ang umuunlad sa atin services grown economy, mga turismo, infrastructure, na hindi naman nakaka – generate ng sapat na trabaho sa loob ng malaking bilang o populasyon ng ating labor force taon – taon. Tama yung proposal ng bagong administrasyon sa ngayon na dapat ponduhan hindi lamang ang infrastructure, tursimo kundi ang pagpapa – unlad ng agrikultura, manufacturing industry para magkaroon tayo ng generating na trabaho na maging sustainable dun sa paglaki naman ng bilang ng ating mga labor force sa bawat taon,” giit pa ni Magtubo sa Radyo Veritas.
Nadagdagan ng halos dalawang milyon ang bilang ng mga walang trabaho mula sa huling pag – aaral ng SWS sa ika – apat na quarter ng taong 2015 kumpara sa naitala ngayong unang quarter ng taong 2016.
Minsan nang nasambit ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang talumpati sa Vatican na ang problema ng kawalan ng trabaho ay dulot ng kasakiman sa kita at kawalang katarungan.