225 total views
Handang makipagtulungan ang Malacanang sa Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa ikabubuti ng sambayanang Filipino.
Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa naging pahayag ni CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas kaugnay sa pagkakaroon ng ‘critical collaboration’ ng Simbahan at administrasyong Duterte.
Paliwanag ng Kalihim, ang kabutihan at kapakanan pa rin ng mas nakararami ang prayoridad ng pamahalaan na tungkulin din ng Simbahang Katolika na dapat pagsikapang matupad.
“At the end of the day, anything is possible. Sabi ko nga last time, “Wala naman sigurong matigas na tinapay sa mainit na kape.” If they show this from the very beginning, maybe we would have a better working relationship. Of course, we welcome that. But, of course, at this particular stage, things have to be worked out, okay. But the initiative must come from the CBCP…” pahayag ni Abella
Tiniyak ng kalihim na sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Simbahang Katolika at ni Pangulong Duterte ay mas mananaig pa rin ang layuning mapabuti at maisaayos ang buhay ng bawat Filipino.
Magugunitang, hindi naging maganda ang reaksyon ng Pangulo laban sa mga Obispo kaugnay sa pagkondina ng Simbahan sa naging talamak na kaso ng pagpatay sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga kung saan bago suspendihin ang Oplan Tokhang ay umabot sa higit 7-libo ang naitalang namatay.
Samantala, nilinaw ni Abella na hindi tiyak ng Malacanang kung sino sa mga kasalukuyang miyembro ng gabinete na dating mga seminarista ang mga nakakausap ng CBCP, kung saan kabilang sa mga ito ay sina DILG Secretary Mike Sueno, Cabinet Secretary Jun Evasco at NEDA Director General Ernesto Peña.
Una nang nilinaw ni Archbishop Villegas ang pagsuporta sa mga programa at kampanya ng pamahalaan para sa pagsasaayos at pagpapaunlad ng bayan ngunit mariin naman nanindigan laban sa nagiging talamak na kultura ng kawalang respeto sa kasagraduhan ng buhay na tila isinusulong ng pamahalaan.
Kaugnay nito, unang nanawagan ng pakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP sa mga mananampalataya na kumilos at makibahagi sa nakatakdang Walk for Life sa Quirino Grandstand sa darating na ika-18 ng Pebrero ganap na alas-kwatro y medya hanggang alas-syete ng umaga upang manindigan at labanan ang kultura ng kamatayan sa bansa.