223 total views
Matutong magtipid at pahalagahan ang kinikita.
Ito ang payo ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pamilya ng mga Overseas Filipino Worker.
Ayon kay Bishop Santos, ito ay pagpapakita ng pagpapasalamat sa mga mahal sa buhay na nagsusumikap sa ibayong dagat para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
“In gratitude to them we have take care of their hard earned money. The money should be spent wisely, for really needs of the family especially for schooling and food on the table.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Hinamon ng Obispo ang pamilya ng mga OFW na isipin ang sakripisyo at paghihirap ng kanilang mahal sa buhay sa ibang bansa bago gastusin ang perang ipinapadala.
Batay sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas tumaas ang personal remittances ng mga O-F-W sa buwan ng Hulyo na umabot sa 2.7 bilyong dolyar mas mataas ng higit sa 4 na porsiyento kumpara noong 2017 sa kaparehong buwan.
Nilinaw ng BSP na ang ipinapadalang pera ng mga OFW ay nakatutulong sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Dahil dito kinilala ni Bishop Santos ang malaking ambag ng mga OFW sa pag-unlad ng bansa.
“Remittances of our OFW’s are great help not only to their families but much more for our economy. With their sacrifices they sustain the financial needs of their families and of our country.” pahayag ng Obispo.
Hinimok din ng Obispo ang pamahalaan sa wastong paggamit ng pera ng bayan at ilaan sa mga proyektong makatutulong sa bawat mamamayan.
Sa pinakahuling tala, tinatayang may sampung milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Una nang kinilala ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang mga OFW sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas noong 2015 dahil sa malaking ambag nito sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang pagsusumikap maghanapbuhay sa ibang bansa.