152 total views
Hinamon ng grupong Rise up for Life and for Rights ang Administrasyong Duterte na maging seryoso at patas sa kampanya nito laban sa illegal na droga.
Ayon kay Rev. Fr. Gilbert Billena – Spokesperson ng grupong nangangalaga at gumagabay sa pamilya ng mga biktima ng War on Drugs, kung talagang seryoso ang Duterte Administration na masugpo ang kalakalan ng illegal na droga ay dapat na mapanagot sa batas ang mga sinasabing drug lords sa bansa.
Paliwanag ng Pari mas malaki ang kasalanan sa lipunan ng mga drug suppliers at mga drug lords kesa sa mga maliliit na drug pushers, runners at user na nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
“ito yung quick reaction namin sa ganitong sitwasyon ngayon, sa nangyari na gaano ba talaga kaseryoso ang Duterte Administration sa pagsugpo sa droga o baka isang drama lang ito sa politika na parang pamamaraan so we challenge this government to be serious enough to prosecute those alleged and suspected drug lords at papanagutin sila sa batas hindi lang yung mga mahihirap kundi sila yung mayayaman at sila yung mas may malaking kasalanan sa ating bayan…” pahayag ni Fr. Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Giit pa ng Pari, kawalang katarungan para sa mga namatayan at mga biktima ng drug related killings ang implikasyon sa lipunan ng pag-absuwelto ng Department of Justice o DOJ sa kasong drug trafficking laban sa mga suspected drug lords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at ilan pang mga alleged drug personalities.
Dagdag pa ni Fr. Billena, isang malaking kabalintunaan sa kredibilidad ng pamahalaan at ng kampanya nito laban sa droga ang naging desisyon ng DOJ.
“isang malaking injustice ito una sa mga namatayan, sa mga taong pinaslang dahil sa kanilang drug trade and now the government is dismissing their case so nagtatanong agad kami, seryoso ba talaga ang gobyerno sa pagsugpo ng droga kapag ganun o itong War on Drugs ay para lang talaga sa mahihirap at hindi sa mayayaman…” Ayon kay Fr. Gilbert Billena.
Ayon pa kay Fr. Billena, napaka-kwestyunable, hindi kapani-paniwala at hindi katanggap-tanggap ang pagkaka-absuwelto ng DOJ sa mga high value drug personalities sa kabila ng kanilang pag-amin sa imbestigasyon sa Kamara at Senado sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
“hindi kami makapaniwala na ganun po ang nangyayari na dinissmiss nila ng basta basta, at nakita at narinig natin sa Senado kasama na yung sa Congress that they are self-confess talaga na mga drug lord and then here comes now na dinismiss yung kanilang kaso at marami ng pinaslang na aabot na ng 20,000 at ganun lang ang pagdismiss nila ng kaso sa mga suspect na ito na mga drug lord…” Dagdag pa ni Fr. Gilbert Billena.
Matatandaang umamin mismo si Kerwin Espinosa sa isinagawang Senate Hearing sa kanyang pagiging supplier ng illegal drugs sa Visayas habang mismong pinangalanan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte si Peter Lim na kabilang sa kaniyang listahan ng drug lords sa bansa.
Bukod kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co, abswelto rin sa pagkakasangkot sa ilegal drugs trade ang nasa 20 pang mga alleged drug personalities sa bansa.
Samantala, nauna nang napahayag ng pagkadismaya si CBCP Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa hindi patas o ‘selective due process’ sa pagitan ng mga hinihinalang drug lords, small time drug pushers at mga pinaghihinalaang lulong sa ipinagbabawal na gamot.