389 total views
Hinamon ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang pamahalaan na gampanan ang kanilang mga tungkulin para sa bayan lalo’t higit sa mga lubos na naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda, walong taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Bishop Bagafaro, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, karamihan sa mga biktima ng Bagyong Yolanda ang patuloy pa ring naghihirap at umaasa ng tulong mula sa pamahalaan na nangakong tutulungan ang mga ito.
“Sana naman ay gampanan nila ang kanilang mga pangakong binigay at ipakita nila ang serbisyo na karapat-dapat at ipakita nila ang kanilang katapatan [sa] mga pangakong binitawan nila na maiahon ang ating mga kababayan sa mga isla at lugar na kung saan ay naging biktima ng Typhoon Yolanda,” bahagi ng mensahe ni Bishop Bagaforo.
Samantala, kinilala naman ni Bishop Bagaforo ang iba’t ibang sektor at indibidwal na namahagi ng tulong at nag-alay ng kanilang mga buhay upang higit na matulungan ang mga kababayang patuloy na naghihirap dulot ng naganap na sakuna.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo na patunay lamang ito na kayang gampanan at harapin ng lahat ang anumang hamon sa buhay basta’t mayroong pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa.
“Kinikilala natin ang kanilang mga heroic virtues ang ating mga bagong bayani na ipinakita nila ang kanilang self-sacrifices at tsaka yung kanilang selfless interest na makatulong sa ating kapwa,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Nobyembre 8, 2013 nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda o Typhoon Haiyan na batay sa kasaysayan ng Pilipinas, ito ang unang Super Typhoon category at itinuturing na pinakamalakas na bagyong nanalasa sa bansa at tumama sa Eastern Visayas Region kung saan umabot sa mahigit-6,000-katao ang naitalang nasawi.
Ito rin ang dahilan ng personal na pagbisita sa Pilipinas ng Kanyang Kabanalan Francisco noong Enero 2015 upang ipadama sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda ang habag at awa ng Panginoon.