203 total views
Wala pa ring makitang sinseridad at katapatan si Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa paraan ng pagsugpo ng Pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ayon sa Obispo, bagamat umaasa ang lahat maging ang Simbahan na malutas ang laganap na problema sa ipinagbabawal na gamot ay dapat itong isakatuparan sa isang makatao at makatarungang pamamaraan.
Iginiit ni Bishop David na sa halip na patayin ay mas dapat na iligtas ang mga dukhang nalululong sa ipinagbabawal na gamot.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi masasamang tao ang mga ito sa halip ay mga ordinaryong mamamayan lamang na dumaranas ng depresyon dahil sa kawalan ng pag-asa sa buhay dulot ng kahirapan.
“Wala akong makitang sinseridad sa paraan ng pakikipaglaban nila kontra sa droga kasi lahat tayo nagwi-wish na sana malabanan talaga yung droga kasi binibiktima niyan ang mga dukha pero iligtas natin ang mga biktima ng droga kasi hindi yan mga masasamang tao, mga ordinaryong tao lang sila katulad natin at karamihan sa kanila nagsa-suffer ng depression dahil sa kawalan ng pag-asa sa buhay dahil sa karukhaan…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na bahagi ng kanyang paulit-ulit na panalangin para sa bayan ay muling mabigyang halaga ang dangal ng buhay ng bawat Filipino na ipinagkaloob ng Panginoon.
Ipinaalala ni Bishop David na ang buhay ng bawat nilalang ay sagrado na dapat pahalagahan.
“Nananalangin ako na sana matapos na itong mga karahasan na ito kasi ang Filipino ay may paggalang sa dangal ng buhay, ang bawat buhay sagrado, ang bawat buhay ay mahalaga…” dagdag pa ni Bishop David.
Naunang inihayag ng Obispo ang kanyang pagkagalak sa personal na pag-amin sa publiko ni Pangulong Duterte kaugnay sa kanyang kasalanan sa nagaganap na Extra Judicial Killings sa bansa.
Gayunpaman, umaasa si Bishop David na hindi magtatapos sa public confession ang naging aksyon ng Pangulo sa halip ay kinakailangan din ng ganap na pagsisisi at pagtatama sa maling nagawa upang makamit ang pagpapatawad ng Panginoon.
Batay sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency sa #RealNumbers data ng Pamahalaan, noon lamang buwan ng Agosto ay umabot sa 444 na drug suspects ang nasawi sa anti-illegal drug operation ng mga pulis sa buong bansa na katumbas ng pagkasawi ng 14 na indibidwal kada araw.