32,569 total views
Hinamon ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pamahalaan na maglunsad ng mga kongkretong hakbang na mangangalaga sa mga karagatan at mga pamayanan sa baybayin.
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, hindi sapat ang mga pahayag lamang hinggil sa pangangalaga sa kalikasan lalo na sa mga karagatan.
Inihayag ni Bishop Alminaza na nararapat ipakita ng gobyerno ang mga tunay na hakbang at programa na mangangalaga sa baybaying dagat at mga pamayanang malapit ditto.
Tinukoy ni Bishop Alminaza ang reclamation, river dredging, at seabed quarrying activity sa buong bansa, na nagdudulot ng pangamba sa mga pamayanan dahil sa surilanin at pinsala sa kabuhayan ng mga mangingisda, marine ecosystem, at katiyakan sa pagkain.
“People woke up to find dredging ships in their waters, with no prior warning or explanation. Dredging ships have repeatedly damaged fishing gear, leaving families unable to earn their living. The extraction activities are decimating marine life. This not only affects the food security of coastal communities but also disrupts the delicate balance of the entire ecosystem.” pahayag ni Bishop Alminaza.
Noong Enero ay nagpadala ng liham at joint statement ang Caritas Philippines at Alyansa Tigil Mina kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ni House Speaker Martin Romualdez na nanawagan sa agarang pagpapalabas ng executive order upang tuluyang mahinto ang lahat ng reclamation at seabed quarrying activity sa buong bansa.
Nakasaad sa pahayag na mahalagang maipatupad ang suspensyon hanggang sa makumpleto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kumprehensibong pagsusuri sa mga epekto sa kalikasan at lipunan ng mga ganitong uri ng proyekto.
Sa tala ng DENR, nasa 22- Manila Bay reclamation projects ang may pahintulot na makapagsagawa ng operasyon, kung saan 15 rito ang nasa bahagi ng Metro Manila.
Binigyang-diin ng grupo ang pinsala sa mga baybayin ng Zambales, Bataan, at Cavite, kung saan nagpapatuloy ang sand mining, river dredging, at seabed quarrying sa kabila ng anunsyo ni Pangulong Marcos na pagpapahinto sa Manila Bay reclamation projects noong Agosto 2023.
“These activities threaten the very resilience of our coasts, making them more susceptible to flooding, erosion, and the impacts of climate change.” paliwanag ni Bishop Alminaza.
Umaasa ang obispo na dinggin ng pamahalaan ang patuloy na panawagan ng mga makakalikasang grupo, lalo’t higit ang mga apektadong pamayanan upang mahinto na at mapapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor na may kinalaman sa mga mapaminsalang proyekto sa bansa.