14,609 total views
Nananawagan sa mga kinauukulan ang Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) at Panaghiusa Philippine Network to Uphold Indigenous Peoples’ Rights upang magpatupad ng mga hakbang na makatitiyak sa karapatan at kaligtasan ng mga katutubo sa bansa.
Sa pinagsamang pahayag ng LRC at Panaghiusa, iminumungkahi nito sa pamahalaan na tutukan ang pagtataguyod sa karapatan ng mga katutubo para sa tunay na free, prior, and informed consent (FPIC) at tugunan ang iba’t ibang suliranin patungkol sa mga katutubong lupain.
Kabilang rito ang mga proyektong tulad ng Didipio Copper-Gold Project ng Oceanagold sa Nueva Vizcaya; Tampakan Copper-Gold Project sa South Cotabato ng Mindanao Sagittarius Mines, Inc. (SMI); Ipilan Nickel Project sa Palawan; at Kaliwa-Kanan Dam Projects sa Rizal at Quezon.
Ang panawagan ng dalawang grupo ay kasabay ng pagdiriwang sa National Indigenous Peoples’ Day at International Day of the World’s Indigenous Peoples nitong August 9.
“Destructive corporate and government projects on mining, dams, energy, infrastructure, agribusiness, and other conflicting land uses encroached into ancestral domains while circumventing or manipulating FPIC and other public consultation and participation processes,” pahayag ng LRC at Panaghiusa.
Hinihiling din ng LRC at Panaghiusa ang pagpapahinto sa militarisasyon sa mga katutubong pamayanan, at ang red-tagging at kriminalisasyon sa Indigenous Peoples’ Human Rights Defenders (IPHRDs), at mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo.
Gayundin ang pagpapawalang-bisa sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng pagbawi sa Executive Order No. 70, at pagsasantabi sa Anti-Terrorism Law.
Iginiit ng dalawang grupo na patuloy na pinaparatangan ng maling akusasyon ang mga katutubo na naglalagay sa kanilang kapahamakan, at isinasantabi na lamang ang mahalagang gampanin ng mga ito sa pangangalaga sa kalikasan sa gitna ng kinakaharap na krisis sa klima.
“Indigenous territories are contested precisely because of the natural wealth they hold, while their contributions to climate adaptation and mitigation are on the other hand ignored,” ayon sa pahayag.
Una nang nanawagan sa pamahalaan si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Indigenous Peoples chairman, Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc na dinggin at pagtuunan ng pansin ang hinihiling na kaligtasan at karapatan ng mga katutubo sa bansa.
Oktubre 2015 nang lagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act no. 10689 na nagdedeklara sa Agosto 9 ng bawat taon bilang National Indigenous Peoples’ Day upang higit na isulong ang pangangalaga at pagbibigay-pansin sa karapatan ng mga katutubo sa bansa.