140 total views
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na nakahanda na ang mga kagamitan na gagamitin sakaling kailanganing ilikas ang mga Filipino na nasa Guam na umaabot sa 42,000.
Ito ay kaugnay sa bantang missile attack ng North Korea sa Guam na teritoryo ng Estados Unidos.
“Kami po ay kasapi sa komite na naghahanda sa anumang maaring mangyari para matulungan ang ating kababayan. Nakahanda kami para mag-provide ng transportation para mailikas ang ating mga kababayan sa anumang lugar na maaring puntirya ng North Korea,”pahayag AFP spokesperson Brig. General Restituto Padilla
Inihayag ni Padilla na sa kasalukuyan ay mayroong limang C-130 ang AFP at dalawang barko na maaring paglulanan ng 1,000 pasahero.
“Bukod doon, may kakayahan din tayo na makipag-unayan at makipagtulungan sa Department of Foreign Affairs sa pagrenta ng mga kagamitang pandagat na puwedeng gamitin sa transportation ng ating mga kababayan tulad ng ginawa natin sa Gitnang Silangan,” pagtitiyak ni Padilla.
Kaugnay nito, nakaantabay at nakahanda ang Simbahang Katolika na tumulong sa pamahalaan para matiyak na kaligtasan ng mga Filipino sa Guam at South Korea.
Una na ring lumiham si Bishop Oscar Cantu, chairman ng US Conference of Catholic Bishops Committee on International Justice and Peace kay US Secretary of State Rex Tillerson para makipagtulungan sa international community at pag-usapan ang payapang resolusyon sa banta ng missile attack ng North Korea laban sa Guam na isang US territory.