684 total views
Mga Kapanalig, mahalagang sangkap sa pagluluto ng pagkaing Pilipino ang bawang, sibuyas, at asin. Ngunit kamakailan lang, dumagdag ang mga ito sa mga produktong kapos ang suplay kaya’t mataas ang presyo sa pamilihan. Ang sunud-sunod na krisis sa suplay ng ating pagkain ay malaking banta sa pagkakaroon natin ng tinatawag na food security. Mayroon tayong seguridad sa pagkain kung ang lahat ng tao sa lahat ng oras ay may access sa sapat, ligtas, at masustansyang pagkain. Dapat na naaangkop ang mga pagkaing ito sa diyeta at kultura upang magkaroon ng aktibo at malusog na pamumuhay.
Sa isang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, inamin ng ating mga opisyal sa gobyernong dumaranas tayo ng kakulangan sa sibuyas at bawang. Ayon sa taga-Bureau of Plant Industry, ang pinagsamang suplay ng locally-produced at imported na sibuyas ay tatagal lamang ng walo hanggang siyam na buwan mula noong Enero. Paglilinaw ng ahensya, tumagal lang ng limang buwan ang imported na puting sibuyas noong Enero, habang ang ani noong nakaraang buwan ng Marso at Abril ay tinatayang tatagal lang ng tatlo hanggang apat na buwan. Ayon naman sa datos ng Department of Agriculture, kulang din ang bansa sa suplay ng bawang at umaasa lang tayo sa importasyon. Sa usapin naman ng asin, bagamat nilinaw ng Department of Trade and Industry na sapat ang ating suplay, aakalain ba ninyong sa bansa nating napaliligiran ng tubig-alat, lumalabas na higit sa 90% ang inaangkat nating asin mula sa ibang bansa? Ito raw ay dahil marami sa ating salt farmers ay walang sapat na kakayanan at resources na mamuhunan sa teknolohiyang makatutulong sa kanilang maging produktibo.
Nitong Hunyo, inanunsyo ng United Nations (o UN) na maraming bansang may kinakaharap at kakaharaping krisis sa pagkain. Sa loob lamang ng dalawang taon, dumoble nang higit sa 276 milyon ang bilang ng mga taong food insecure o walang katiyakan sa pagkain. Nakababahala ang pangmatagalang epekto ang isyu ng food insecurity sa ating lipunan—dadami ang mga batang malnourished at bansot, madadagdagan ang mga babaeng hindi makapag-aaral at mapipilitang magtrabaho o kaya ay magpakasal, at dadami ang mga taong mas madaling kapitan ng sakit at karamdaman dahil sa kakulangan ng nutrisyon sa katawan.
Sa ganitong kalagayan, ang mga mahihirap at maralita ang nagdurusa. Para naman sa mga magsasaka at mangingisdang Pilipino, ang patuloy na pag-aangkat ng mga produktong pagkain mula sa ibang bansa ay pumapatay sa kabuhayan nila at ng iba pang mga nasa sektor ng agrikultura. Sa kinahaharap na krisis sa pagkain, mahalagang pagtuunan ng pansin, lalo na ng pamahalaan, ang pagkakaroon ng pangmatagalang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagpapalakas sa lokal na produksyon ng agrikultura.
Sa lente ng mga panlipunang turo ng Simbahan, ang kawalan ng katiyakan sa pagkain ay hadlang sa karapatan ng isang taong mabuhay nang may dignidad. Gaya ng mensahe ni Pope Francis noong 2019, isang hindi makatao at hindi makatarungang katotohanan ngayong mayroong pagkain para sa lahat ngunit marami ang nagugutom, at sa ilang bahagi ng mundo, ang labis-labis na pagkain ay nasasayang at itinatapon lamang.[6] Ang pagkakaroon ng ganap buhay ay nangangahulugang nakakamit ng bawat tao ang sapat at masustansyang pagkain upang magkaroon ng kanyang buhay na may dignidad.
Mga Kapanalig, pangunahing banta sa buhay at dignidad ng milyun-milyong tao ang kahirapan at kagutuman kaya mahalagang nagbibigay din ang pamahalaan ng mga programa at suportang tutulong sa kabuhayan ng mga mahihirap, mga magsasaka, at mangingisda. Mahalaga ito sa pagsasakatuparan ng pangako ng Panginoon sa Mga Awit 146:7 na bibigyan Niya ng katarungan ang mga inaapi, at bibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.