278 total views
Kapanalig, narinig mo na ba ang salitang “ageism”? Ayon sa World Health Organization, ang ageism ay mga stereotypes o mga konsepto o kaisipan natin, mga bias, prejudice o pakiramdam natin, at diskriminasyon o gawi natin sa ating sarili at sa ibang tao base sa edad.
Ang usapang ageism, kapanalig, ay usapang panlipunan. Kadalasan, sa ating mga hanay mismo nanggagaling ang mga stereotypes o kaisipan ukol sa edad. At mula sa ating isip, nare-reinforce ito ng ating “feelings” o pakiramdam – na siya naman nagtutulak ng ating mga aksyon, na kadalasan ay nagdidiscriminate sa mga matatanda.
Sa ating mga bahay na lang mismo, kapanalig, makikita natin ang bias na ito. Dati rati, ang mga lola at lolo ay mga head of households, diba. Sila ang mga decision-makers sa kanilang mga tahanan. Sa kanilang pagtanda, ano ba ang nagiging bahagi nila sa ating mga pamilya? Mainam na suriin natin ito, kapanalig. Atin ba silang nadi-discriminate sa loob mismo ng ating pamilya dahil sa kanilang edad? Sa tingin ba natin ay wala na silang kakayahang magpasya o kumilos dahil sa kanilang katandaan?
Kapanalig, nakakalungkot na kahit sa ating bansa, kung saan masasabi natin mas naalagaan ng pamilya ang mga elderly, ay laganap pa rin ang ageism. Makikita ito sa mga polisya ng bayan kung saan kapag edad 55 ka na, o 60, o 65, ay kailangan ka ng magretire kahit malakas ka pa at kayang kaya pa ang trabaho. Makikita ito sa pang-araw araw na buhay natin kung saan kapag bedridden na o hirap na makagalaw ang elderly, naiiwan na lamang lagi silang mag-isa. Minsan naman, kapag malakas pa sila, nakukulitan naman tayo sa kanila.
Sana mapagnilayan natin ang ating mga nakagawian ukol sa pagtanda sa ating bayan. Suriin natin ang ageism sa bansa, lalo pa’t mahigit 12.3 milyon ang mga seniors sa ating bayan. Darating din lahat tayo sa ganyang edad, at kung hindi natin maayos na napangalagaan ang ating mga elderly, asahan din natin ang parehong treatment sa kalaunan.
Ang ageism ay nagpuputol ng ating makabuluhan at malalim na ugnayan sa lipunan. Ang ageism ang naglalagay ng distansya sa pagitan ng bawat henerasyon, samantalang dapat tayo ay laging abot kamay lamang dahil ang ating kasaysayan ay nakahabi sa isa’t isa. Kapanalig, ang ageism ay isang uri ng paglabag sa human rights- lalo na kung umaabot itong sa punto na kinikitil na natin ang karapatan ng elderly sa partisipasyon sa lipunan, sa access sa batayang serbisyo, at sa masayang buhay. Sabi nga sa Gaudium et Spes: God, who has a parent’s care for all of us, desired that all men and women should form one family. Kapanalig, kung nanalaytay ang ageism sa ating lipunan, hindi pamilya ang turing natin sa mga nakakatanda sa atin.