206 total views
Mga Kapanalig, Disyembre na at nasasabik na tayong mga Katoliko sa araw ng pagsilang ng Panginoong Hesus. Ngunit may ibang kinasasabikan ang ating mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, gayundin ang ating pangulo. Ito ay ang pagpapasa ng isang panukalang batas na magbabalik sa parusang kamatayan o death penalty. Dahil sa tinatawag na “supermajority” sa Kongreso, mukhang nakatitiyak si House Speaker Pantaleon Alvarez na mapagsasama-sama ang lahat ng panukalang batas at maipapasá ang kalalabasang consolidated bill sa ikatlong pagbasa bago sila magbakasyon.
Inihahain sa House Bill 1 ang tatlong paraan ng pagbibitay sa mga taong mapapatawan nito. Una ay ang pagbibigti o hanging. Ikalawa ay sa pagsalang sa firing squad. Ikatlo ay sa pamamagitan ng lethal injection. Sabi pa ni Speaker Alvarez, pag-uusapan pa kung sa aling paraan mas makatitipid ang pamahalaan. (Ganito na po yata kababa ang tingin ng ating mga mambabatas sa buhay ng tao!)
Pinalawig din umano ang mga krimeng saklaw ng parusang ito. Bukod sa mga krimeng gaya ng rape, kidnapping, at drug-related crimes, mapapasama sa mga maaaring hatulan ng parusang kamatayan ang mga taong napatunayang nagkasala ng treason o pagtataksil, bribery o panunuhol, at pluder o pandarambong. Death penalty ang sinasabing susi upang mapababa ang mga kaso ng karumal-dumal na krimen sa bansa. (Pero hindi ba’t ipinagmamalaki ng ating kapulisan ang bumababa umanong crime rate sa Pilipinas?)
Naninindigan ang ating Santa Iglesia laban sa pagbabalik ng death penalty. Bago matapos ang buwan ng Nobyembre, dalawang pahayag ang inilabas ng CBCP na mariing tinututulan ang parusang ito. Una ay mula sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas. Ipinapaalala nilang ang pagbuwag sa parusang kamatayan noong 1987 ay patunay na walang puwang ang di-makataong parusang ito sa lipunang pinangangalagaan at itinataguyod ang buhay ng tao. Pinaiiral rin ng death penalty ang isang kultura ng karahasan o culture of violence. Lalo pa nitong inilulugmok ang mga maralitang lumabag sa batas dahil wala silang kakayahang makakuha ng serbisyo ng mahuhusay na abogado upang maipagtanggol ang kanilang mga karapatan at malitis nang tama. Giit ng Sangguniang Laiko: hindi tunay na katarungan ang nakakamit ng parusang kamatayan.
Inspirasyon naman ng Permanent Council of the CBCP ang mga naging wika ni Pope Francis hinggil sa parusang kamatayan. Sa halip na katarungan para sa mga nagawan ng pagkakasala, hinihimok ng ganitong pagpaparusa ang mapanirang paghihiganti. Kaya naman, ang pagtutol sa death penalty, gaya pa rin ng sinabi ng Santo Papa, ay bukal ng pag-asa: Hindi na katanggap-tanggap ang parusang kamatayan gaano man kalaki o kasama ang kasalanang nagawa ng isang nahatulang tao. Ang bawiin ang buhay ng taong nagkasala sa batas ay paglabag sa kasagraduhan ng buhay at sa dignidad ng tao. Taliwas ito sa plano ng Diyos para sa atin at sa ating lipunan, gayundin sa paggawad niya ng katarungang nagpapatawad.
Mga Kapanalig, binubura ng parusang kamatayan ang anumang pagkakataon ng isang nagkamali na makapagbagong-buhay. Hindi natin sinasabing hindi dapat parusahan ang mga nahahatulan sa korte, lalo na kung dumaan naman sila sa tamang proseso ng paglilitis at ito ay suportado ng malinaw at di-mapasusubaliang ebidensya. Ngunit, ang pagpaparusa para lamang maipaghiganti ang nagawan ng mali sa halip na bigyan ng pag-asang magbago ang isang tao ay pagmamalupit at hindi makahulugang paggawad ng katarungan.
Ngayong Pasko, kamatayan ang aginaldong handog sa atin ng ating mga mambabatas. Nakakulungkot, mga Kapanalig, na sa panahong ito, may mga taong naniniwalang sa pamamagitan ng mga marahas at brutal na mga paraang ito nakakamit ang hustisya. Malayong-malayo ito sa regalong inihandog ng Panginoon sa atin sa araw ng Pasko, ang nag-iisa niyang anak na si Hesus, ang ating buhay. Bilang mga Katoliko, tayo ay tinatawag ng Panginoon, ang Panginoon ng awa at malasakit, na ipagtanggol ang buhay ng sinumang tao, kahit ang mga nakagagawa ng kasalanan sa kapwa at lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.