121,109 total views
Ang pagtanda ay natural na bahagi ng ating pagkatao. Blessing ito, kapanalig. Kaya lamang, sa ating bansa, at maging sa ibang parte ng mundo, ang aging o pagtanda ay kinatatakutan at iniiwasan ng marami. Ang pagtanda, para sa iba, ay kasingkahulugan ng kawalan ng income, panghihina, at kawalan ng gagawin sa buhay.
Malaking pagkakamali ang ganitong pananaw, at dapat natin itong iwaksi sa ating lipunan lalo pa’t magkakaroon ng demographic shift, hindi lamang sa ating bayan, kung hindi maging sa maraming bansa sa Asya sa nalalapit na panahon. Ilang pag-aaral na ang nagpapakita na pagdating ng 2050, malaking bahagi ng populasyon ng Asya ay bubuin ng mga indibidwal na may edad 60 pataas. Tinatayang isa sa apat na tao sa Asya ay seniors na pagdating ng 2050. Sa Pilipinas, tinatayang tatalon sa mahigit 15% mula sa 6% ang porsyento ng seniors sa ating bayan. Katumbas ito ng mahigit 23 milyong katao.
Malaking blessing ito, pero, may mga dala rin itong hamon na mahihirapan tayong harapin kung business as usual pa rin ang treatment natin sa ating mga nakakatandang kababayan.
Isa sa mga pangunahing isyu ay ang kanilang kalusugan. Maraming senior citizens ang nahihirapang magkaroon ng access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Kabilang dito ang mga check-up, gamot, at iba pang pangangailangang medikal. Maaring ito ay dulot ng kakulangan sa pondo para sa kalusugan o kakulangan sa impormasyon tungkol sa mga serbisyo para sa mga nakatatanda.
Ang kabuhayan ng mga seniors ay mahalaga ring bigyang pansin. Marami sa kanila ang naiiwan na lamang sa bahay, nag-iisa, at walang regular na kita. Ang ilan ay hindi na maaaring magtrabaho dahil sa pisikal na limitasyon. Dapat ay magkaroon ng mga programa at proyektong naglalayong suportahan ang kabuhayan ng mga senior citizens, tulad ng mga training para sa alternative livelihoods o mga programa ng microfinancing.
Ang edukasyon at kamalayan ukol sa mga karapatan ng mga senior citizens ay isa ring mahalagang bahagi ng pag-aaral sa aging sa Pilipinas. Marami sa kanila ang hindi alam ang kanilang mga karapatan at benepisyo, kaya’t mahalaga ang kampanya para sa edukasyon tungkol dito. Kailangan natin ng mga hakbang na naglalayong mapalakas ang proteksyon at kalinga sa mga senior citizens.
Kapanalig, ang pagtanda ay biyaya, lalo sa ating panahon ngayon na marami ng oportunidad para sa seniors, marami ng teknolohiya at makabagong imbensyon na hindi lamang nagpapagaan at nagpapahaba ng buhay ng tao, kundi nagbibigay tulong pa upang tayo ay mapalakas at makakilos, kahit ano pa ang ating edad. Ang seniors ay untapped resource na malaki ang ambag sa ekonomiya at lipunan. Sila rin ang tagasalin ng tradisyon, kultura, at mga aral ng nakaraan para sa ating mga kabataan. Sila ay ating inspirasyon at motibasyon.
Kailangan lamang nating maging handa sa pagbabago ng demograpiya ng bayan, at isulong ang inclusiveness sa ating lipunan. Ang kabiguan sa aspetong ito ay malaking dagok sa ating bayan. Mahalaga ang papel ng pamahalaan, komunidad, at bawat isa sa pagtugon sa pangangailangan ng mga senior citizens. Sa pamamagitan ng makabuluhang programa at pagtutulungan ng bawat sektor ng lipunan, maaaring magtagumpay ang bansa sa pagsalubong sa pagbabago ng straktura ng ating populasyon sa nalalapit na panahon.
Napaka-angkop dito ang mensahe ni Pope Francis noong nakaraang Third World Day for Grandparents and the Elderly. Dinggin sana natin: Ang presensya ng ating mga lolo at lola ay mahalaga, dahil ito ay nagpapaalala sa atin na mula tayo sa iisang ugat. Mula sa kanila ay natanggap natin ang ating pananalig. Kailangan sila ng Simbahan, gayundin ng lipunan. Ibinabahagi nila sa ating ngayon ang kanilang nakaraan na kailangan para naman mabuo ang kinabukasan nating lahat. Parangalan natin sila, let us honor them. Huwag nating ipagkait sa kanila ang ating presensya at aruga. Huwag nating hayaang maisantabi ang mga matatanda.
Sumainyo ang Katotohanan.