254 total views
Alam mo ba kapanalig, na dahan dahan ng nagiging aging society ang Asya, kasama na ang ating bansa?
Ayon sa isang pag-aaral, pagdating ng 2050, isa sa apat na tao sa Asya ay magiging senior na o edad 60. Ang populasyon ng mga seniors ay magti-triple mula 2010 hanggang 2050, at maaaring umabot na ng 1.3 billion. Mabilis ang magiging transisyon na ito sa rehiyon.
Sa ating bansa naman, magta-transisyon na tayo tungo sa pagiging aging society pagdating ng 2032. Pagdating ng 2069, magiging aged society na tayo, kung kailan mga 14% na ng ating populasyon ang magiging 65 o mas matanda pa.
Di man nating kayang tanggapin ngayon, tatanda at tatanda rin tayong lahat. Ito ay blessing kapanalig. Ang pagdami ng mga seniors sa ating paligid ay nangangahulugan na napapalibutan tayo ng karanasan, kasaysayan, kasanayan, kaalaman, at expertise. Kung atin itong magagamit at mamaximize pang lalo, napakalaki ng ganansya nito sa ating bayan.
Kaya lamang handa ba ang ating lipunan sa napipintong pagdami ng mga seniors sa Asya at sa ating bansa?
Maraming may agam agam sa pagtanda dahil karaniwan na nating tinutumbas sa retirement ang ang pag-advance ng ating edad. Para bang wala na tayong magagawa kung maabot na natin ang edad na 60. Isa itong maling paniniwala, kapanalig. Pwede pa ring tayong maging patuloy na produktibo sa ating senior years. Sa katunayan, may mga house bills ngayon na nagrerekomenda ang pag-repeal ng probisyon sa labor code na nagtatakda na ang compulsory age of retirement ay 65 sa ating bansa. Hangga’t nais at kaya pa ng mamamayan, nirerekomenda ng mga house bills na ito na patuloy pang makapagtrabaho ang mamamayan, kahit senior pa siya. Sana ay maipasa ito dahil hindi matatawaran ang karanasan at kaalaman ng seniors sa trabaho, na malaki pa ang maiaambag sa kasulungan ng kanilang mga kumpanyang pinapasukan. Liban pa dito, ang ating mundo ay digital na, kaya’t mas accessible at convenient na ang maraming uri ng trabaho sa merkado.
Kaya lamang, handa man ang mga seniors para sa mas produktibong buhay kahit pa anong edad nila, mawawalang saysay ito kung ang lipunan naman ay hindi handa para sa ating aging society. Kung ating isasantabi ang serbisyo ng seniors dahil lamang sa edad nila o di kaya dahil ang ating mga imprastraktura at pamamahala ay hindi handa sa kanilang pagdami, ating masasayang ang kakayahan ng napakahalagang national treasure ng bayan: ang mga seniors sa ating lipunan.
Huwag naman sana mangyari ito. Sabi nga ni Pope Francis: The elderly must be loved and honoured. Maipapadama natin sa kanila ang ating pagmamahal at pagpupugay hindi lamang sa pag-aalaga sa kanila, kundi sa pagkilala rin sa kanilang kakayahan.
Sumainyo ang Katotohanan.