1,415 total views
Nagpahayag ng suporta si Agri-Party list Representative Wilbert Lee sa isinusulong na adbokasiya ng simbahan sa pagpapaunlad ng kooperatiba na isang paraan para sa pag-angat ng buhay ng mga maralita.
Ayon kay Lee, isa ito sa nakikitang solusyon ng kahirapan sa bansa, lalo na sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Tiniyak din ng mambabatas ang pakikiisa sa mga kahalintulad na panukala na magpapatibay sa kooperatiba sa bansa.
“Ako ay buong pusong sumusuporta dyan sa cooperative movement. In fact, ako ay madalas na maimbitahan sa mga pagtitipon ng mga kooperatiba isa po itong paraan para mapagtibay…lalo na sa pagsasaka kailangan magsama-sama. Ako po ay nagsusulong sa consolidation ng pagsasaka, ito po ay isang paraan ng kooperatiba,” ayon kay Lee.
Ito ang inihayag ng mambabatas kasabay na rin ng ikalawang pag-uulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
una na ring inilunsad ng Archdiocese of Manila ang cooperative ministry upang pagyamanin ang mga saping-puhunan at makatulong hindi lamang sa pag-iimpok kundi ang pagkakaroon ng sariling kabuhayan ng mga naglilingkod ng simbahan.
Ang Ministry on Cooperatives and Social Enterprises Development (MCSED) ay pamumnuan ni Caritas Manila executive director Fr. Anton CT. Pascual.
Sa kasalukuyan may tinatayang 12-libong ang mga kooperatibang nakarehistro sa Cooperative Devlopment Authority (CDA).