148,334 total views
Kapanalig, sa panahon ng digital age, nakakalimutan natin minsan ang sektor ng agrikultura. Ito ay isang malaking oversight, lalo pa’t ang karamihan sa mga maralita sa ating bansa ay sakop ng sektor na ito. Tinatayang mga 60% ng mga mahihirap sa ating bansa ay nasa agricultural sector.
Isa sa mga pangunahing suliranin na kinakaharap ng agrikultura sa Pilipinas ay ang kawalan ng sapat na pondo at suporta mula sa pamahalaan. Kahit pa agrikultural ang ating bansa, maliit ang alokasyon nito sa national budget, kumpara sa ibang sektor. Nasa P197 billion ang budget para dito ngayong 2024, mas maliit kumpara sa budget para sa sektor halimbawa ng transport, o ng military. Tumaas man ang halaga na ito mula sa 2024 figures, maliit pa rin ito lalo pa’t nahaharap tayo sa food shortage at epekto ng El Nino at ng napipintong La Nina. Ang kakulangan sa pondo ay nagdudulot ng limitadong access sa modernisasyon ng kagamitan at teknolohiya, kawalan ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda, at kakulangan sa mga programa para sa pagpapaunlad ng sektor.
Ang agricultural sector din ay iniiwan na rin ng mga mas batang henerasyon. Ang average age ngayon ng ating mga agricultural workers ay 55 hanggang 59 years old. Ilang taon na lang ang bibilangin, marami na sa kanila ang mag reretiro, at mahaharap tayo sa kakulangan ng agricultural workers. Hamon na naman ito para sa food security ng bansa.
Ang kakulangan sa edukasyon at kasanayan sa larangan ng agrikultura ay nagdudulot din ng patuloy na pagbagsak ng sektor. Maraming kabataan ang hindi na nangangarap na maging magsasaka o mangingisda. Marami sa kanila, hindi na alam ang kahalagahan ng agrikultura. Ang pagpapabaya sa pagtuturo ng mga praktikal na kasanayan sa agrikultura sa mga paaralan ay nagdudulot ng paghihirap sa sektor. Hindi na natin napupukaw ang interes ng bagong henerasyon sa agricultural work.
Ang patuloy na pang-aabuso sa kalikasan at kakulangan sa tamang pangangalaga sa mga likas na yaman ng bansa ay malaki rin ang epekto sa agrikultura. Ang pagkasira ng kalikasan tulad ng deforestation, soil erosion, at pagbabago ng klima ay nagdudulot ng pagbagsak sa ani at productivity ng mga sakahan. Kung hindi ito tutugunan nang maayos, patuloy na mababawasan ang kakayahan ng bansa na mag-produce ng sapat na pagkain para sa mamamayan.
Mahalaga na bigyan ng sapat na pansin at suporta ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Isa itong mabisang paraan upang mabawasan ang kahirapan sa ating bayan. Isa rin itong paraan ng pagtitiyak ng sapat na suplay ng pagkain. Hangga’t hindi pinagtutuunan ng sapat na pansin ang mga hamon na kinakaharap ng agrikultura, patuloy itong magiging isa sa mga sektor na napapabayaan sa bansa. Ang tunay na development o kasulungan, kapanalig, ay yaong uri na niyayakap ang lahat, at walang iniiwan. Alam niyo kapanalig, mababasa natin sa Bibliya at makikita natin gawain ni Kristo na lagi niyang inuuna ang mga walang kapangyarihan at nasa laylayan ng lipunan, gaya ng mga nagtatrabaho sa agricultural sector. Kasama rin ito sa tagubilin ng Catholic Social Teachings- ang preferential option for the poor. Kaya’t sana, dito mismo sa ating bansa kung saan napakarami ng Kristyanong katoliko, makita natin kung paano natin pinapabayaan ang sektor kung saan may pinakamalaking bilang ng naghihirap.
Sumainyo ang Katotohanan.