703 total views
Ilulunsad ng Agroecology X (Agro-X) ang Agro-ecology Fair sa October 09 na gaganapin sa Flower Garden ng Quezon City Memorial Circle.
Ayon kay Patrick Dela Cueva – Overall Co-facilitator ng Agro-X, pangunahing tema ng Agroecology Fair ang “Reclaim Our Land! Reclaim Our Food Systems!’upang isulong ang maayos na sistema ng pagsasaka at pangingisda gamit ang agham.
Ayon kay Dela Cueva, ito ang ikalawang pagdaraos ng pagtitipon ngayong taon na muling itatampok ang mga magsasaka’t mangingisda kasama ang mga negosyante na mula sa ibat-ibang panig ng Pilipinas.
“Kasama rito ang mga organisasyon ng mga magsasaka, civil society organization o CSO, concessionaires, organic produce marketers at iba pang advocates for the people’s right to food,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Dela Cueva.
Ayon kay Dela Cueva, pagkakataon din ang Agroecology fair upang magkita-kita ang mga magsasaka at mangingisda mula sa ibat-ibang lugar upang magpalitan ng impormasyon at makipagdiyalogo hinggil sa mga kaalaman sa pagtatanim o pangingisda.
Ang Agro-X ay kalipunan ng 100-grupo at indibidwal sa agrikultura na mula sa Metro Manila, Bicol Region at ilang lalawigan sa Visayas.
Ang Agroecology naman ay ang makabagong sistema sa agrikultura na gumagamit ng agham sa pagtatanim o pangingisda upang matiyak ang maayos na ani na hindi sinisira ang kalikasan.
“Yung Agroecology na magbibigay talaga siya ng glimpse una kung ano ba ang isang sistema ng pagkain at agrikultura na makatarungan at nagbebenipisyo yung lahat ng mamamayan,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Dela Cueva.
Unang ipinahayag ni Dela Cueva ang kahandaan sa pakikipagtulungan sa simbahang katolika upang makamit ang layunin na makilala sa buong mundo ang sistema ng Agroecology na titiyak sa sapat na suplay ng pagkain sa bawat bansa.
Una naring nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan na tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain higit na ngayong panahon ng pandemya.