469 total views
Kapanalig, unti unti ng bumabalik ang sigla ng air transport industry sa ating bayan. Matapos ang malalim na pagkalugi noong kahitikan ng pandemya, mas marami na ang nagbibiyahe ngayon sa loob ng bayan, pati na rin patungo sa abroad. Dumarami na rin ang mga turista. Handa ba ang air transport industry natin sa revenge travel plans mga mamamayan?
Ang air transport industry, kapanalig, ay napakahalagang bahagi ng transport sector ng ating bayan. Hindi lamang tao ang tina-transport nito, kundi mga kargamento o cargo at produkto na kailangan sa supply chain ng iba’t ibang sektor at industriya sa buong mundo. Malaki ang ambag nito sa pagdaloy ng lokal at global na ekonomiya. Sakop ng air transport industry ang mga airlines, airports, at mga kaugnay na negosyo at ahensya. Sa kasalukuyan, mayroon tayong mga 90 national airports. Walo dito ay international airports. 42 sa mga airports na ito ay nasa Luzon.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, marami pang hamon na dapat harapin ang mga airports ng ating bayan. Pangunahin na dito ay ang capacity, technical capability, quality, at institutional environment. Makikita natin kapanalig, na kapag peak season, at minsan kahit hindi pa nga, congested o masikip na ang ating mga airports, lalo na ang Ninoy Aquino International Airport. Noong 2019, umabot ng 50 million ang pasaherong gumamit ng NAIA habang 35 million lamang ang kapasidad nito. Buti na lamang at may airport na sa Clark, nagkaroon na ng opsyon ang mga tao.
Ayon pa rin sa pag-aaral, ang congestion ay nangyayari hindi lamang sa mga airports, pati na rin sa mga runway. Ito ay dahil sa layout nito pati na rin sa dami ng flights dito kada core operational hours. Kailangan nang limitahan ang flights kada oras para maiwasan ang pagsisikip.
Marami rin sa mga provincial airports ng ating bansa ang kulang sa teknikal na kapabilidad, gaya ng night-rating facilities. May mga isyu rin tayo sa air traffic management pati na kakulangan sa radar. Kumpara rin sa ating mga karatig bansa, medyo naluma ang ating mga airports. Pati nga mga koneksyon sa iba’t ibang pang transport sectors, kulang talaga sa ating airports. Sa ibang bansa, hindi lamang pasundo o taxi ang opsyon ng mga nagbibiyahe. Malapit sa tren, bus, at iba pang mode of transportation ang kanilang mga airports. Pag nagbiyahe sa loob ng ating bayan, gumastos ka na nga ng malaki sa ticket, gagastos ka pa ng malaki sa ground transport. Marami pang pagkakataon, sobrang taas ang bayad sa mga taxi.
Kapanalig, dapat tutukan ng ating bayan ang pagsasaayos ng air transport industry ng bansa, gaya din ng pagtutok nito sa modernization plan ng mga jeepneys. Dapat integrated at komprehensibo ang pag-atake sa transport industry ng bayan, at hindi piecemeal o pache-pache. Sabi nga ng Mater et Magistra, kung saan nagkukulang ang estado, nagkakagulo. Kung nais natin mas maayos na airports, kailangan pang pag-igihan pa ng ating gobyerno ang pangangalaga nito.
Sumainyo ang Katotohanan.