242 total views
Pinapanagot ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos masira ang battery ng generator na nagdulot ng limang oras na standoff sa libo – libong pasahero.
Pinapasagot din ni Archbishop Cruz sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang gastusin ng mga pasaherong naistranded.
Ito ay matapos na kumpirmahin ni MIAA General Manager Jose Angel Honrado na wala silang plano na panagutan ang mga ginastos ng pasahero na naantala tulad ng booking fee sa hotel na kanilang tinuluyan, meal allowance at iba pa.
“Ama ko, itong airport na ito na mayroon pang international, national may committee hindi sapat, nawawalan pa tapos andami – dami pang naistorbong mga pasahero. Tapos ang sabi pa ng PAL naistorbo kayo, pa re – booked kayo walang bayad na dapat sila ay hindi nila pagbayarin talaga. Bigyan nila ng ibang ticket para makapunta kung saan gusto ng walang bayad. At yun talaga ang pagsisisi at dapat gawin”.pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas
Iginiit ng Arsobispo na ang ganitong pangayayari ay nakakahiya at nakapangliliit sa ibang mga dayuhan.
“Pati ba naman yung generator ay hindi malinis? ano ba naman yan? Masyado nang lumuliit ang tingin sa atin ng ibang bansa kung ganyan ang ating kabuhayan at kalagayan,” giit ni Archbishop Cruz
Nabatid batay sa inilabas na listahan ng “Guide to Sleeping in Airports” noong 2015 ika – walo ang Ninoy Aquino International Airport sa 10 worst airport sa Asya.