1,339 total views
Nanawagan ang isang civic organization sa Lanao kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang ‘airstrike’ na ginagawa ng militar sa Marawi City.
Ayon kay Suwaib Decampong, spokesperson ng Lanao Institute for Peace and Development bukod sa pangambang matamaan ang mga na-trapped na residente ay marami ring imprastraktura ng lungsod ang masisira.
“Opo yun ang pinaka-importante na manawagan tayo sa ating mahal na pangulo na ipatigil na sa military ang pagsasagawa ng airstrike. Makikita natin sa Marawi city wala na yung gusali kasi tinamaan ng airstrike at saka maraming naapektuhan na mga civilians na nananatili sa kanilang bahay ay tinamaan ng mga airstrike na ginagamit ng ating military,” panawagan ni Decampong.
Sinabi ni Decampong na nagiging malawakan ang pinsala sa ginagawang airstrike dahil sa pagkasira ng mga bahay, at mga gusali na nakaapekto sa ekonomiya ng Marawi.
“Malaking impact po yung maging epekto sa sambayanan at sa komunidad, nawawala ang ating imprastraktura, tsaka ang economy, pati sa mga farmers nawawala ang kanilang kalabaw, kasi nakikita natin na maraming tinatamaan ng air strike,” paliwanag ni Decampong.
Sinabi naman ni Decampong na ilang lugar sa Marawi City ay na-clear na ng militar kabilang na ang Barangay Bangon at ang Mindanao State University.
Sa huling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tinatayang may 60 libo ng mga residente ang lumikas mula sa 26 na bayan sa Marawi, habang naitala naman ang 60 libo ang mga nasa iba’t ibang evacuation center sa Lanao Del Sur at Lanao Del Norte.
Una na ring umapela ng tulong ang Caritas Philippines para sa evacuees sa biktima ng kaguluhan sa Marawi na nangangailangan ng pagkain, tubig, at gamot lalu’t karamihan sa mga ito ay walang naisalbang kagamitan dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan.