270 total views
Mga Kapanalig, itinuturing na tagumpay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa kanyang unang isandaang araw sa Malacañang ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa sektor ng kalusugan. Nariyan daw ang paglalaan ng isang bilyong piso para sa special risk allowance ng mga healthcare workers. Pinaigting din daw ang kampanya sa pagbabakuna ng booster laban sa COVID-19. Ginawang voluntary ang pagsusuot ng face mask upang muling sumigla ang ekonomiya.
Ngunit may malalalim pang problema sa sektor na nangangailangan ng agarang aksyon.
Alam ba ninyong kulang pala tayo ng mahigit isandaang libong nars sa Pilipinas? Ayon ito mismo kay DOH OIC at Undersecretary Maria Rosario Vergeire. Dagdag naman ng grupong Filipino Nurses United (o FNU), mahigit 124,000 na nars na naririto sa ating bansa ngayon ay itinuturing ng DOH bilang nasa “unspecified practice” o walang trabaho o ‘di kaya’y nasa ibang larangan. Samakatuwid, hindi problema ang suplay ng mga nars sa Pilipinas; hindi lamang sila binibigyan ng gobyerno ng sapat at mabigat na dahilan upang piliing manatili at maglingkod dito.
Sa tala ng Professional Regulation Commission (o PRC), may halos isang milyong registered nurses noong 2021. At sa bilang na ito, ayon naman sa DOH, mahigit 300,000 ang nangibang-bansa upang magtrabaho bilang nars. Bakit nga ba hindi nila pipiliing makipagsapalaran sa ibang bansa kung ang sahod ng isang nars sa Pilipinas ay nasa ₱20,000 kada buwan lamang samantalang ₱60,000 ang matatanggap nila sa Vietnam at ₱275,000 naman sa Amerika? Mataas nang kaunti—o nasa ₱35,000 naman—ang suweldo ng mga nars na nagtatrabaho sa mga pampublikong ospital, ngunit napakaraming pasyente naman ang kanilang inaasikaso at kaawaawa ang kondisyon sa pagtatrabaho ng marami sa kanila.
Sinabi ni PBBM sa ika-isandaang anibersaryo ng Philippine Nurses Association noong Setyembre na “Filipino nurses should be recognized.” Ipinangako rin niyang pagbubutihin ng kanyang gobyerno ang mga kondisyon sa pagtatrabaho ng mga nars. Gayunman, ayon pa rin sa FNU, nananatili ang mga isyung kinakaharap ng mga nars na pinalalâ pa ng pandemya at ng mabagal na pagtugon ng gobyerno sa mga pangangailangan ng ating mga healthcare workers. Ipagdiriwang pa naman sa susunod na linggo—ang huling linggo ng Oktubre—ang Nurses’ Week sa Pilipinas, kaya’t maging okasyon sana ito upang seryosong pagtuunan ng pansin—at aksunan—ng pamahalaan ang daing ng ating mga nars.
Ang pagkakaroon ng trabahong may sapat na sahod at mga kaukulang benepisyo ay kailangan at napakahalaga para sa pagtataguyod ng dignidad ng tao, isang mahalagang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Santa Iglesia. Ito ang susi sa ikauunlad hindi lamang ng manggagawa kundi pati ng kanyang pamilya at ng mga umaasa sa kanya. Sa kanila rin nakasalalay ang ganap na pag-unlad ng lipunan. Sa kaso ng mga nars sa ating bayan, kung mabibigyan lamang sila ng sahod na sapat para sa kanilang sarili at mga sinusuportahan at kung matitiyak ang maayos na kalagayan sa kanilang pagtatrabaho, tiyak na mas pipiliin ng mga nars na manatili dito kapiling ang kanilang pamilya sa halip na makipagsapalaran sa ibang bansa.
Mga Kapanalig, ang trabaho ng mga nars ay katangi-tangi dahil sa layunin nitong mapangalagaan ang mga maysakit at mahihina. Ang kanilang propesyon ay pagtatrabaho kasama ang iba at para sa iba—work with others and work for others, paliwanag nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Para ba silang nakikibahagi sa misyon ni Hesus na pagalingin ang mga maysakit at nahihirapan dahil wika nga sa Exodo 15:26, ang Diyos ang ating manggagamot. Kaya bilang mga tagapagtaguyod ng ating kagalingan, marapat lamang na suportahan ang ating mga nars upang manatili ang dignidad at kahulugan sa kanilang piniling misyon.